Magsino1

OFW Party List nagpaabot ng taos pusong pakikiramay sa nangyaring insidente sa Ateneo Zamboanga City

Mar Rodriguez Aug 20, 2026
19 Views

NAGPAABOT ng mensahe si OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ng 19th Congress kaugnay sa panibagong karahasan na naganap sa isang paraalan na ikinasawi ng dalawang mag-aaral ng Ateneo de Zamboanga University.

Ang insidente ay naganap noong Agosto 18 sa junior high school campus ng Ateneo de Zamboanga University; iniulat ng mga awtoridad na dalawang tao ang nasawi, kabilang ang estudyanteng umano’y sangkot sa pamamaril. Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

“Lubos tayong nakikiramay sa mga biktima, kanilang mga pamilya, mga guro, mag-aaral, at buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga University matapos ang karumal-dumal na insidente ng pamamaril sa kanilang paaralan.

Ang paaralan ay dapat maging lugar ng pagkatuto, pangarap at kaligtasan—hindi lugar ng takot at karahasan. Kaya naman ang nangyaring ito ay hindi lamang isang trahedya para sa komunidad ng Zamboanga, kundi isang masakit na paalala sa buong bansa na kailangan nating higit na pagtuunan ng pansin ang kaligtasan ng ating mga kabataan.

Sa mga magulang, nauunawaan natin ang inyong takot at pangamba. Sa mga mag-aaral at guro na nakaranas ng insidenteng ito, hindi ninyo kailangang harapin nang mag-isa ang trauma at takot.

Kailangan natin kayong samahan, pakinggan at bigyan ng sapat na suporta at psychosocial assistance.

Kasabay nito, mahalagang malaman ang buong katotohanan sa pamamagitan ng isang masinsinan, patas at transparent na imbestigasyon. Dapat matukoy kung paano nakapasok ang armas sa loob ng paaralan, kung may mga pagkukulang sa security protocols, at kung ano ang maaaring gawin upang hindi na maulit ang ganitong trahedya.

Hindi rin dapat maging dahilan ang insidenteng ito upang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon, larawan o video ng mga biktima. Sa panahon ng trahedya, responsibilidad nating protektahan hindi lamang ang mga buhay kundi pati ang dignidad at pribadong buhay ng mga apektadong pamilya.

Ang insidenteng ito ay dapat magsilbing panawagan para sa mas mahigpit na school safety measures, mas mahusay na emergency response, responsableng paggamit ng social media, at higit na suporta sa mental health at kapakanan ng ating mga kabataan.

Walang magulang ang dapat matakot na ipadala ang kanilang anak sa paaralan. Walang estudyante ang dapat pumasok sa silid-aralan na nangangamba para sa kanyang buhay.

Sa mga naulila at lahat ng naapektuhan ng trahedyang ito, nakikiramay kami. Nawa’y manaig ang hustisya, paggaling at pagkakaisa sa gitna ng napakasakit na pangyayaring ito.

Sa ating mga kabataan: dapat kayong maging ligtas. Ang inyong buhay, pangarap at kinabukasan ay mahalaga.

Hindi sapat na tayo ay malungkot sa nangyari. Kailangan nating kumilos upang matiyak na hindi na ito mauulit.”