Perez

Perez: Karahasan walang lugar sa loob ng paaralan

Mar Rodriguez Aug 20, 2026
15 Views

MARIING kinondena ni Zamboanga City 2nd District Rep. Jerry “Kap Totong” E. Perez ang panibagong insidente ng malagim at walang habas na pamamaril na naganap sa Ateneo de Zamboanga University na ikinasawi ng dalawang estudyante ng naturang paaralan.

Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Perez na walang lugar ang karahasan sa loob ng mga paaralan at hindi dapat nangangamba para sa kanilang kaligtasan ang mga estudyante, guro at iba pang miyembro ng school community.

“Mariin kong kinokondena ang malagim na insidente ng pamamaril na naganap ngayong araw sa Ateneo de Zamboanga University,” ani Perez.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang mambabatas sa mga pamilyang nawalan ng kanilang mahal sa buhay.

Kasabay nito, ipinahatid ni Perez ang kanyang panalangin at pakikiramay sa mga nasugatan, kanilang mga pamilya, at sa buong komunidad ng Ateneo na patuloy na humaharap sa sakit at pagkabigla dulot ng insidente.

Pinuri rin ni Perez ang mabilis na pagkilos ng administrasyon ng paaralan, mga awtoridad sa pagpapatupad ng batas, emergency responders at iba pang indibidwal na tumulong sa panahon ng insidente.

Nanawagan naman ang kongresista para sa isang masinsinan, patas at walang kinikilingang imbestigasyon upang malinawan ang publiko sa mga pangyayari at matukoy ang mga pananagutan kaugnay ng insidente.

Binigyang-diin ni Perez na kailangang matiyak ang kaligtasan ng mga paaralan upang manatili itong lugar ng pag-aaral, paghubog at pag-abot sa mga pangarap ng kabataan.