Isko moreno

Isko malugod na binati BBM-Sara tandem sa kanilang panalo

252 Views

NAGPAMALAS nang pagiging “maginoo” si Aksyon Demokratiko standard-bearer at Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso matapos na mag-concede na at tanggapin ang kanyang pagkatalo sa May 9, 2022 presidential race.

Malugod nitong binati si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM) dahil sa natamong “landslide victory”.

“Mayroon na pong pinili ang bawat Pilipino. Nais kong batiin si dating Sen. Bongbong Marcos. Binabati ko ang pamilya ni dating Sen. Marcos sa pagpili sa kaniya ng higit na nakararami bilang hahalinhin na pangulo ng ating bansa,” ayon pa kay Domagoso nitong Martes ng hapon.

Kasabay nito, nanawagan rin si Domagoso sa mga mamamayan na suportahan ang administrasyong Marcos at Duterte at gawin ang tungkulin bilang mga mamamayang Filipino.

Dagdag pa niya, “Huwag tayong makikibahagi sa anumang gulo, anumang alingasngas, at dapat nating bigyan ng pagkakataon ang bagong administrasyon para pamunuan ang bansa. Kailangan tayong magkaisa bilang mamamayan para magtagumpay ang ating bayan. Katulad nga po ng paulit-ulit kong sinasabi, walang magmamalasakit sa ating bansa at magtutulungan kundi tayo ring mga kapwa Pilipino.”

“Hindi magtatagumpay si President-elect Bongbong Marcos at VP-elect Sara Duterte kung tayong mga mamamayan ay hindi magkakaisa… Let us support the new leadership. Let us congratulate them and let us do our part as citizens,” ayon pa kay Domagoso.

Nagpahayag din siya ng kasiyahan dahil halos lahat ng buong tiket ng Asenso Manileño, sa pangunguna ni incoming Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo, na nawa’y pantayan at higitan pa ng mga bagong halal ang ginawang pagmamahal at pagseserbisyo sa mga Manileño.

“Life must go on. Katulad po ng ipinangako ko noon sa inyo, hanggang sa kahuli-hulihang araw ko po bilang Alkalde ng Lungsod ng Maynila ay magtratrabaho po ako,” pagtiyak pa nito.