Acidre

KAMARA INAPRUBAHAN ANG PANUKALANG ₱12K TAUNANG AYUDA PARA SA MGA PAMILYANG MINIMUM WAGE EARNER, MSMEs

Mar Rodriguez Sep 15, 2026
426 Views

INAPRUBAHAN ng House Committee on Social Services ang mga panukalang batas na naglalayong itatag ang “Pambansang Agapay sa Pamilya at Maliliit na Negosyo (PAMANA) Program” na magbibigay ng ₱12,000 kada taon sa mga kwalipikadong pamilyang umaasa sa minimum wage.

Layunin din ng programa na mapalakas ang maliliit na negosyo dahil ang subsidy ay maaari lamang gastusin sa mga akreditadong lokal na micro, small, and medium enterprises (MSMEs).

Kabilang sa mga inaprubahang panukala ang House Bill No. 10648 na pangunahing inakda nina Reps. Jude Acidre, Ziaur-Rahman Adiong, Joel Chua, Jannette Garin, Jefferson Khonghun, Gerville Luistro, Francisco Paolo Ortega, Terry Ridon, Ramon Rodrigo Gutierrez, David Suarez at Ysabel Maria Zamora at House Bill No. 10735 na pangunahing inakda nina Reps. Ferdinand Martin G. Romualdez, Yedda Marie Romualdez at Andrew Julian Romualdez.

Ayon kay TINGOG Party List Rep. Jude A. Acidre, hindi lamang ordinaryong ayuda ang PAMANA kundi isang hakbang upang sabay na mapalakas ang kakayahang gumastos ng mga pamilya at kita ng maliliit na negosyo.

“Hindi lamang ito simpleng ayuda. Layunin nating mabigyan ng kaunting dagdag na puwang ang mga pamilyang nagtatrabaho para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, habang tinitiyak na ang kanilang paggastos ay nakatutulong din sa ating mga MSME,” pahayag ni Acidre.

Sa ilalim ng panukala, makatatanggap ang bawat kwalipikadong pamilya ng ₱12,000 bawat taon na hahatiin sa ₱1,000 kada buwan at ilalabas sa pamamagitan ng isang digital wallet na naka-link sa PhilSys.

Kabilang sa maaaring maging benepisyaryo ang mga pamilyang pinamumunuan ng minimum wage earner na nakarehistro sa Philippine Identification System at hindi kasalukuyang tumatanggap ng ayuda mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o kahalintulad nitong conditional cash transfer program.

Saklaw din ang mga empleyado sa pribadong sektor na tumatanggap ng itinakdang minimum wage, gayundin ang mga empleyado ng pamahalaan na ang sahod ay hindi lalampas sa naaangkop na minimum wage. Maaari ring mag-aplay ang mga self-employed at informal-sector workers na kumikita ng katumbas o mas mababa sa regional minimum wage.

Ipinaliwanag ni Acidre na maraming minimum wage earners ang nananatiling kapos sa kabila ng pagkakaroon ng regular na trabaho.

“Maraming minimum wage earners ang nagtatrabaho araw-araw at nagsisikap para sa kanilang pamilya, pero napakaliit na lang ng natitira pagkatapos ng pagkain, pamasahe, kuryente, gamot at iba pang pangunahing gastusin,” sabi ni Acidre.

Ayon sa kongresista, maaaring agad maapektuhan ang budget ng pamilya kapag may nagkasakit, may biglaang gastusin o patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa PAMANA, ang subsidy ay maaari lamang gamitin sa mga akreditadong lokal na MSME, upang ang dagdag na purchasing power ng mga pamilya ay direktang maging dagdag na kita para sa sari-sari stores, carinderia, pharmacies, market vendors at iba pang maliliit na negosyo.

Iminumungkahi rin ng mga panukala ang pagtatatag ng PAMANA Trust Fund bilang mekanismo para sa tuloy-tuloy na pagpopondo sa programa.

May mga safeguard din sa paggamit ng benepisyo. Maaari lamang gumastos ang benepisyaryo ng hanggang ₱200 kada araw. Ang hindi nagamit na halaga ay maaaring manatili para sa mga susunod na araw, ngunit mananatili ang itinakdang daily limit.

Hindi maaaring i-convert sa cash, ilipat sa ibang account o gamitin ang subsidy para sa online gambling, alak, tabako at iba pang produktong hindi saklaw ng programa.