Calendar
Kamara may pagkakataon isabatas Anti-Political Dynasty bill
IPINAHAYAG ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na may pagkakataon ang Kamara de Representantes na maisabatas ang “Anti-Political Dynasty Law” na nagbibigay-bisa sa matagal ng itinatakda ng 1987 Constitution.
Ayon kay Speaker Dy, 39 taon matapos pagtibayin ang 1987 Constitution, panahon na upang magkaroon ng komprehensibong batas na magtataguyod ng pantay na pagkakataon sa serbisyo publiko.
“Isang prayoridad ng Bagong Kongreso ang maisabatas ang isang makatwiran at konstitusyonal na Anti-Political Dynasty Law,” sabi ni Speaker Dy.
Sinabi din ng Speaker na bahagi ng tungkulin ng Kongreso na bigyang-bisa ang mga patakaran at prinsipyong nakasaad sa Konstitusyon at isulong ang mga repormang nagpapalawak ng demokratikong pakikilahok at nagtataguyod ng mabuting pamamahala.
Ang constitutional policy laban sa political dynasties ay hindi lamang simpleng usapin ng pagtatakda ng mga restriksyon sa mga pamilyang sangkot sa pulitika.
Kailangan ng makatarungan, malinaw at may prinsipyong legal na balangkas na nagbibigay ng pantay na access sa mga oportunidad sa serbisyo publiko, habang pinangangalagaan ang pangunahing karapatan ng mga botante na pumili ng kanilang mga kinatawan.
Dapat tiyakin ng batas na ang serbisyo publiko ay mananatiling bukas sa mas maraming Pilipino, malinaw at makatwiran ang anumang limitasyong ipatutupad at ang paggamit ng kapangyarihang pampulitika ay nakabatay sa Konstitusyon, pananagutan sa bayan at soberanong kagustuhan ng mamamayan.
“Ang layunin ay hindi lamang limitahan ang kapangyarihan ng ilang pamilya, kundi tiyaking mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng patas na pagkakataong makapaglingkod sa bayan at makilahok sa demokratikong proseso,” pahayag ng Speaker.

