CBCP

Katoliko hinimok manalangin, magsisi sa gitna ng mga kalamidad

401 Views

HINIMOK ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) nitong Sabado ang mga mananampalataya na makiisa sa isang kolektibong gawa ng panalangin at pagsisisi matapos tamaan ang bansa ng sunod-sunod na kalamidad gaya ng mga bagyo, pagsabog ng bulkan, sunog, at lindol.

Sa Circular No. 25-14, nanawagan si CBCP president Cardinal Pablo Virgilio David sa sambayanan na ipanalangin ang pagbabagong espiritwal ng bansa, at magsuot ng puti tuwing Linggo ng Oktubre at Nobyembre, pati na rin ang paglalagay ng puting laso sa mga tahanan, simbahan, at pampublikong lugar.

“Ang ating kasuotan na puti ay magsilbing sagisag ng kadalisayang ating hinahangad para sa ating bayan at sa ating mga puso. Nawa’y ang panahong ito ng panalangin at pagsisisi ay maghatid sa atin ng pag-asa, kagalingan, at panunumbalik ng ating buhay na magkasama sa katotohanan at katarungan,” ani David.

“Sa mga nagdaang araw, sunod-sunod ang mga matitinding kalamidad na ating nararanasan. Manalangin tayo at hingin ang habag ng Diyos para sa ating bayan,” dagdag pa ng obispo ng Caloocan.

Muling iginiit ni David ang naunang “National Call to Prayer and Public Repentance” ng mga obispo, kung saan hinikayat ang mga Pilipino na manalangin tuwing Linggo, at kung maaari, araw-araw, hanggang sa pagdiriwang ng Solemnity of Christ the King sa Nobyembre — isang kapistahang liturhikal na nagbibigay-diin sa tunay na paghahari ni Kristo.