Vargas

TINUTUTUKAN NI VARGAS SAFETY NET PARA SA MGA NABALONG PILIPINO

268 Views

HABANG ipinagdiriwang ng bansa ang National Senior Citizens’ Week, muling pinagtibay ni Deputy Majority Leader at Quezon City 5th District Representative PM Vargas ngayong Linggo ang kanyang paninindigang isulong ang kapakanan ng mga nakatatandang Pilipino sa pamamagitan ng House Bill (HB) No. 5395 na pinamagatang “Widowed Persons Assistance Act.”

Layunin ng panukalang batas na ito na magbigay ng pansamantalang tulong pinansyal, psychosocial counseling, suporta sa kabuhayan, at prayoridad sa mga serbisyong panlipunan para sa mga mahihirap na nabalong Pilipino—kabilang na ang maraming senior citizens na hirap bumangon matapos ang pagkawala ng kanilang kabiyak sa buhay.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumubuo ng 4.5% ng kabuuang populasyon ng mga sambahayan sa bansa ang mga nabalo, kung saan halos 76% sa kanila ay kababaihan—isang sektor na itinuturing na mas bulnerable.

“Ang mga nabalo ay isang espesyal na sektor ng ating mga senior citizen na kailangang kilalanin at alagaan,” paliwanag ni Vargas.

Dagdag pa niya, “Hindi natin sila hahayaang magluksa nang mag-isa, bagkus ay ihahanda natin sila sa hamon ng pagkawala ng kanilang katuwang sa buhay.”

Binigyang-diin din ni Vargas na bagama’t saklaw ng panukala ang lahat ng nabalo anuman ang edad, mas makikinabang dito ang mga matatanda dahil sa limitadong kakayahan nilang makahanap ng panibagong trabaho o pagkakakitaan.

“Layunin nating matulungan lalo na ang mga nakatatandang balo at mabigyan sila ng pagkakataong muling makabangon,” aniya.

Iginiit ng House leader na ang panukalang batas ay sumusuporta sa mga umiiral nang batas tulad ng Expanded Senior Citizens Act at Universal Health Care Act, sa pagbibigay ng tiyak na tugon sa mga pangangailangan ng mga nabalo.

“Ang panukalang ito, kung maisasabatas natin, ay hindi lamang magbibigay ng bagong pag-asa sa ating mga senior citizen,” sabi ni Vargas. “Ito rin ay paraan ng ating gobyerno upang iparating na nakikita natin sila, pinahahalagahan natin sila, at mananatili tayong kasama nila sa kanilang mga huling taon.”