Calendar
Kawalang aksyon ng NSWMC sa tambak na basura pinuna ng party-list solon
PINUNA ni TGP Party-list Rep. Jose Teves Jr. ang kawalan ng malinaw na plano ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC) para sugpuin ang problema sa tone-toneladang tambak na basura sa Metro Manila na sanhi ng pagbaha sa National Capital Region (NCR).
Inilahad ni Teves ang tila pagiging “manhid” ng NSWMC para tugunan ang ilang dekada ng problema ng solid waste na bumabara sa mga ilog, kanal at estero kung kaya’t nagmistulang dagat ang mga kalsada sa Metro Manila tuwing malakas ang ulan.
Iginigiit ng party-list solon na nakakabahala na ang problemang ito tuwing umuulan.
Binanggit ni Teves ang tinatawag na “improper solid waste management” bilang isa sa mga dahilan ng pagbaha sa Metro Manila.
Dumagdag pa rito ang kawalan ng disiplina ng mga residente na walang pakundangan sa pagtatapon ng basura sa mga ilog at kanal na binubuo ng plastic, plastic bottles, food containers, sachets, styrofoam at iba pang waste materials.
Kung tutuusin ang problema ng basura sa kalakhang Maynila at karatig lugar ay “preventable” at kayang solusyunan.
“Ngunit Mr. Speaker, ano na nga ba nagagawa ng National Solid Waste Management Commission? Parang inutil naman ang komisyon na ito,” pahayag ni Teves.
Sinabi ni Teves na bagaman maraming dahilan ang pagbaha, isa sa mga problemang maaaring maiwasan ay ang pagtatapon at hindi maayos na pamamahala ng basura na nagbabara sa mga kanal, drainage system, estero at daluyan ng tubig.
Binanggit ng mambabatas ang Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 na nagtatakda ng mga responsibilidad ng local government units (LGUs) at mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan sa wastong pamamahala ng solid waste.

