Calendar
Senate President Sherwin Gatchalian
P7.2T budget sa ’27 bubusisiin ng Senado–Gatchalian
MAHIGPIT na susuriin ng Senado ang panukalang P7.2 trilyong budget para sa 2027 na tututok sa transparency, pananagutan at maingat na paggasta matapos ipadala ng Department of Budget and Management sa Senado ang 2027 National Expenditure Program (NEP), pahayag ni Senate President Sherwin Gatchalian.
“Sa pagsisimula natin sa committee deliberations sa panukalang pambansang budget sa 2027, magiging gabay ng Senado ang tiwala ng publiko, fiscal responsibility, at napapanahong pagpapatupad ng mga programa,” ani Gatchalian.
Ang NEP ang panukalang plano sa paggasta ng ehekutibo na isinusumite sa Kongreso bilang batayan sa pagtalakay sa taunang pambansang budget.
Saklaw ng pagbusisi ng Senado ang panukalang paggasta para sa edukasyon, healthcare, imprastraktura, social protection at paglikha ng trabaho.
“Simple lang ang layunin natin: tiyakin na ang bawat piso ay may halaga at may malinaw na mekanismo para sa transparency at accountability,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Gatchalian na dapat may mga safeguard ang bersiyon ng Senado upang matiyak ang transparency at pananagutan sa paggasta ng gobyerno.
