Calendar
Kelot dinampot sa pagmanyak sa bubot na bebot sa Cavite
TIMBOG ang 36-anyos na akusado sa umano’y ilang ulit na pagmomolestiya sa menor-de-edad na biktima nang matunton sa pinagtaguang lugar Miyerkules ng gabi sa lalawigan ng Cavite.
Hindi na sumipot ang akusado sa tanggapan ng Tagausig mula nang ireklamo ng magulang ng bata kaya’t naglabas ng warrant of arrest laban sa kanya nitong Nobyembre 18, 2025 si Navotas Family Court Presiding Judge Cecilia B. Paralag ng Branch 9 dahil sa umano’y paulit-ulit na pangmomolestiya sa murang katawan ng biktimang residente ng Navotas City.
Alas-12:00 ng hatinggabi ng Miyerkules nang madakip ng mga intelligence operative ng Northern Police District-District Mobile Force Battalion (NPD-DMFB) ang akusado sa pinagtaguang lugar sa Block 2, Lot 37, Rosswel St. Brgy. Bacaon, General Trias, Cavite.
Kabilang sa mga kasong kakaharapin ng akusado ang dalawang bilang na paglabag sa Section 5(b) ng R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act na may inilaang piyansang P180,000 bawa’t bilang, two counts ng Lascivious Conduct sa ilalim pa rin ng R.A. 7610 na may piyansang P200,000 kada bilang, at dalawang bilang ng paglabag sa Section 10(a) ng RA 7610 na may piyansang ₱80,000.00 bawat bilang.
Nakapiit na sa NPD Custodial Facility Unit ang akusado na kailangang makalikom ng kabuuang halagang P920,000 pang-piyansa para sa pansamantalang paglaya.

