Calendar
Kelot nanlimas ng P500K sa money changer, sakote
TIMBOG ang 25-anyos na lalaki na umano’y nangholdap ng P500,000 sa money changer sa Quezon City upang mabayaran ang inutang na pera sa kanyang jowa noong Lunes sa Pasig City.
Nahaharap sa mga kasong robbery at paglabag sa Republic Act No. 10591, o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, ang suspek na si alyas “Galo,” ayon kay P/Col. Randy Glenn Silvio, acting director ng Quezon City Police District (QCPD).
Ayon sa report, bandang alas-12:16 ng madaling araw noong Sabado, nagpanggap na kostumer ang suspek sa money changer sa Tomas Morato Avenue sa Brgy. South Triangle at nagtanong tungkol sa rate ng dollar sa peso.
Matapos umanong magkasundo sa rate, naglabas ng baril ang suspek at tinutukan ang teller saka nilimas ang P500,000 cash sa kaha at tumakas sakay ng Toyota Corolla sedan.
Sa follow-up operation ng mga operatiba ng QCPD, naaresto ang suspek sa Pasig noong Lunes bandang alas-11:40 ng umaga.
Sinabi ni Silvio na narekober lamang ng mga pulis ang P400,000 ng ninakaw na pera dahil nagamit na ni Galo ang P100,000.
Nakumpiska din sa suspek ang isang airsoft pistol na ginamit sa panghoholdap.

