Calendar
Kiko umapela: Suporta sa magsasaka dagdagan sa panahon ng anihan
NANAWAGAN si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa pamahalaan na agarang ipatigil ang pag-angkat ng bigas at itaas ang taripa bilang proteksyon sa mga lokal na magsasaka habang kasalukuyang panahon ng anihan sa bansa.
“Sinusuportahan natin ang pagtaas ng taripa. Sinusuportahan din natin ang pagsuspinde ng importasyon ng bigas, lalong-lalo na tuwing anihan,” aniya, na binigyang-diin ang pangangailangang mapawi ang presyur sa merkado na nagpapahirap sa mga magsasaka mula Agosto hanggang Oktubre.
Inilahad ng senador na halos araw-araw siyang nakakakuha ng mga mensahe at personal na hinaing mula sa mga magpapalay na dumadaing sa patuloy na pagbaba ng presyo ng kanilang ani. “Halos araw-araw nakakatanggap tayo ng hinaing sa mga magpapalay. Minsan text, minsan sa harapang usapan. Naiiyak, nagagalit,” kwento niya.
Sa kasalukuyan, ang presyo ng bilihan ng palay ay bumaba sa P5 hanggang P9 kada kilo—malayo sa P14 hanggang P16 na karaniwang gastos sa produksyon. Binigyang babala ni Pangilinan na kung hindi agad kikilos ang pamahalaan, posibleng malugi at tuluyang mawalan ng hanapbuhay ang mga lokal na magsasaka.
Bilang tugon, muling binigyang-diin ni Pangilinan ang pagpapatupad ng Sagip Saka Act, na naglalayong bigyan ng direktang akses sa merkado ang mga magsasaka at mangingisda. Hinikayat din niya ang mga malalaking kumpanya sa sektor ng pagkain na huwag nang dumaan sa mga middleman at sa halip ay direktang bumili mula sa mga lokal na prodyuser. “Direkta na kayong bumili ng inyong mga pangangailangan sa mga magsasaka at mangingisda,” aniya.
Sa gitna ng pabagu-bagong kalagayang pandaigdig at banta ng mga kalamidad, iginiit ni Pangilinan na dapat tiyakin ng pamahalaan ang katatagan ng industriya ng bigas at ang kapakanan ng mga Pilipinong magsasaka.

