Calendar
Kongreso paiigtingin mga hakbang para sa kaligtasan ng mga estudyante
TINIYAK ng liderato ng Kamara de Representantes, sa pangunguna ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, na paiigtingin ng Kongreso ang mga hakbang para sa kaligtasan ng mga mag-aaral at paghihigpit sa pag-iingat at pagmamay-ari ng baril.
Naghain sina Speaker Dy at House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ng House Bill No. 11387 o ang panukalang Responsible Firearm Ownership and Safe Storage Act upang maiwasang mapasakamay ng mga menor-de-edad at iba pang hindi awtorisadong tao ang mga baril.
Mahalaga ang panukala upang mapalakas ang mga batas at safeguards sa pagmamay-ari, pag-iingat at paggamit ng mga baril.
“This latest tragedy reinforces our resolve to build safer and more caring schools for every Filipino child,” sabi ni Speaker Dy.
Ang insidente sa Banga National High School sa South Cotabato ay hindi dapat ituring na hiwalay na pangyayari dahil may iba pang insidente ng pamamaril sa loob o paligid ng mga paaralan nitong mga nakaraang buwan.
Sinabi ni Speaker Dy na kailangang higit pa sa paghihigpit ng seguridad sa mga paaralan ang gawin upang maprotektahan ang mga mag-aaral.
Kabilang dito ang pagpapalakas ng values formation, support systems at early interventions upang matukoy at matugunan ang mga posibleng senyales ng karahasan bago pa ito mangyari.
Ayon pa sa kaniya, dapat magkaroon ang mga estudyante ng ligtas at madaling mapupuntahang lugar kung saan maaari silang humingi ng tulong.
Dapat din umanong matutunan ng mga paaralan na tukuyin ang mga senyales ng panganib at makapagbigay ng maagap at angkop na suporta bago lumala ang isang sitwasyon.
Hiniling din ni Speaker Dy sa publiko na maging responsable sa pagtalakay at pagbabahagi ng impormasyon tungkol sa insidente habang patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang buong pangyayari.
“Huwag ipakalat ang mga sensitibo o graphic na larawan at video ng insidente, at huwag magbahagi ng mga kuwento o paratang na hindi pa napatutunayan,” aniya.
Muli rin nitong ipinabatid ang panawagan ng Department of Education (DepEd) na iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon at mga video bilang paggalang sa mga biktima at kanilang mga pamilya.

