Lacson wala pang desisyon sa 16 votes

94 Views

WALA pang desisyon si Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson kung ipagpapatuloy o babaguhin ang ruling na nangangailangan ng 16 boto para mahatulan si Pangalawang Pangulong Sara Duterte at hihintayin muna niya ang oral arguments sa Miyerkules bago magpasya.

Nagdesisyon na si Presiding Officer Francis Escudero na kailangan ang 2/3 ng 24 miyembro ng Senado, o 16 boto, para mahatulan si Duterte.

“Ako I’d rather wait for oral arguments na mangyayari sa Wednesday,” ani Lacson.

Maaaring hindi sapat kung agad-agad ang botohan matapos ang argumento, kaya’t posibleng ipagpaliban ito ng mga senador sa ibang araw o sa susunod na linggo. Walang trial sa Huwebes.

Humarap noong Miyerkules bilang amici curiae sina dating Chief Justices Artemio Panganiban at Reynato Puno at dating Associate Justice Adolfo Azcuna.

Tatlong punto ang tumatak kay Lacson: ang “all means all” ni Azcuna, ang “truth and fairness” ni Panganiban, at ang pagkakaiba ng textual sa contextual at functional na pagbasa ayon kay Puno.

Hindi raw “immovable” ang 2/3 rule, ani Lacson. Idinagdag niyang hindi inasahan ng 1987 Constitution na magkakaroon ng senador na physically incapable o incapacitated na bumoto.

Apat sa 24 senador ang hindi regular na lumalahok–sina Sens. Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta, na parehong detenido sa kasong plunder; si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na hindi pa nag-oath bilang senador-hukom at may warrant mula sa International Criminal Court; at si Sen. Loren Legarda na nasa abroad dahil sa medical leave.

Kung 15 na lang ang makakalahok pero mananatiling 16 ang threshold, aniya, posibleng maging automatic acquittal ang resulta.

Pag-iingat laban sa posibleng paratang na grave abuse of discretion ang dahilan ng pagkonsulta sa mga dating mahistrado, ani Lacson.

“Laging tama ang SC maski mali,” dagdag niya.

Tungkol sa mga detenidong kasamahan, sinabi ni Lacson na wala raw kinalaman ang Senado sa mga motion nila sa Sandiganbayan para makadalo sa paglilitis, makapiyansa o makalahok online.

Tinanggihan na ng Sandiganbayan ang kahilingan ni Estrada na lumabas mula sa detensyon para sa trial. Si Marcoleta naman ay nagsabing hindi na siya hihingi ng furlough para lamang bumoto sa isyu ng threshold.

Kung lalabas si Dela Rosa at mag-oath, “welcome siya,” ani Lacson. “He now becomes within the coercive jurisdiction of the Senate.”