Calendar
Tulfo kinuwestiyon business role ni VP Sara habang nanunungkulan
KINUWESTYON ni Senator-Judge Raffy Tulfo ang pagkakalista kay Vice President Sara Duterte bilang stockholder at board member ng isang pribadong korporasyon habang nanunungkulan.
“Bawal ’yan,” ang sabi ng senador.
Lumutang ang usapin nang tumestigo sa impeachment court si Securities and Exchange Commission Company Registration and Monitoring Department Director Gerardo Del Rosario tungkol sa corporate records na inihaharap ng House prosecution sa ilalim ng Article II ng impeachment case.
Batay sa General Information Sheets ng Metro City Chow Foods Corp., nakalista ang pangalang Sara Duterte bilang stockholder at miyembro ng board of directors mula 2022 hanggang 2025. Mayroon siyang 500 shares sa kumpanya.
Ang panahong iyon ay kasabay ng termino ni Duterte bilang Vice President, dahilan upang ituon ni Tulfo ang kanyang pagtatanong sa mga limitasyong ipinapataw sa matataas na opisyal ng gobyerno sa pakikilahok sa pribadong negosyo.
Ang Article VII, Section 13 ng 1987 Constitution ay nagbabawal sa President, Vice President, Cabinet members at kanilang deputies o assistants na direktang o hindi direktang makilahok sa anumang negosyo habang nanunungkulan.
Nauna nang tumestigo si retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang para sa prosekusyon na sakop ng constitutional restriction ang direktang o hindi direktang business participation ng President at Vice President habang nasa puwesto.
Itinatakda ng RA 6713 na dapat umiwas sa conflict of interest ang public officials.
Kapag may conflict of interest, inaatasan ng batas ang opisyal na magbitiw sa posisyon sa isang private business enterprise at/o mag-divest ng shareholdings o interests sa loob ng itinakdang panahon.
Partikular na inaakusahan ng prosecution si Duterte ng hindi pag-divest at umano’y pagpapatuloy ng kanyang business interests habang Vice President mula 2022 hanggang 2025.
Kabilang sa alegasyon ang pagpapanatili umano niya ng shareholdings at posisyon bilang director ng Metro City Chow Foods Corp.
Bahagi ang SEC testimony ng mas malawak na pagsisiyasat ng prosekusyon sa business interests, stockholdings at corporate positions na idineklara ni Duterte at sa kanilang kaugnayan sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth.
Kinakatawan si Duterte ng kanyang mga abogado sa impeachment proceedings at itinatanggi ng depensa ang mga alegasyon laban sa kanya.
Nananatiling tungkulin ng prosecution na patunayan ang mga paratang sa Article II, habang may pagkakataon ang depensa na kuwestiyunin ang SEC records, testimonya at legal na interpretasyong inihaharap laban sa Vice President.
