Koreano

Koreano nanggulpi ng jowa, inaresto

Edd Reyes Jul 3, 2026
334 Views

INARESTO ang 39-anyos na Korean national matapos ireklamo ng pambubugbog ng asawang Pinay sa Las Piñas City noong Huwebes.

Nagsimulang uminit ang ulo ng dayuhan nang sitahin siya ng 24-anyos na asawa habang nasa kanilang bahay sa BF Resort Village (BFRV), Brgy. Talon Dos, dakong alas-9:30 ng umaga.

Nakita ng ginang sa cellphone ng mister ang larawan nito na may kasamang babae sa loob ng hotel.

Sa halip na magpaliwanag, hinablot sa braso at pinagsasampal ng dayuhan ang asawa na sa takot ay nagtatakbong palabas ng bahay para humingi ng tulong.

Hinabol ng Koreano ang asawa at nang abutan ay pinagpapalo ng cellphone sa ulo na nasaksihan ng mga nagrorondang barangay tanod kaya’t dinala ang dayuhan sa Las Piñas Police Sub-station 4 na silang umaresto sa suspek.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, mabigat at parusang paglabag sa Anti Violence Against Women and their Children Act na isasampa sa dayuhan.