Lacson

Lacson: Di ligtas mga senador sa isyu ng anomalya sa flood control projects

464 Views

MANAGOT ang dapat managot!”

Ito ang mensahe ni Senador Panfilo Ping Lacson kung saan tahasan nitong sinabi na hindi ligtas ang mga senador sa kontrobersya na kinasasangkutan ng mga maanomalya at “ghost” flood control projects na nagiging sanhi ng katakot takot na baha na siyang dahilan ng paglubog sa ibat ibang bahagi ng bansa.

Matatandaan na mismong ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang siyang nagbulgar ng mga flood control ghost project na siyang ugat ng maraming problema sa pagbaha sa kanyang nagdaan na State of the Nation Address.

Ayon kay Sen. Lacson nitong Sabado, habang iginiit niyang parehong may pananagutan ang mga miyembro ng Senado at Kamara at ito aniya ay maaaring may kinalaman sa mga kuwestiyonableng budget insertions.

Sa panayam sa DZRH, sinabi ni Lacson: “Posibleng meron ding senador na nag-insert at kabahagi din siya sa 25% share na tinatawag na funder or proponent o sponsor ng insertions.”

Sa hiwalay na panayam sa DZMM, nang tanungin kung may mga senador ding sangkot, sagot niya: “Ganito na lang ang sasabihin ko: maaaring meron, maaari ring merong congressmen din.”

Bagama’t walang pangalan ang tinukoy, ipinaliwanag ni Lacson na hindi siya basta magbabanggit kung walang sapat na ebidensyang magpapatibay sa akusasyon. “Ilalantad ko lang ang mga natuklasan kapag may solidong basehan,” giit niya.

Ayon kay Lacson, parehong mga senador at kongresista ay may kapangyarihang magmungkahi ng amendments sa panukalang budget — isang proseso na aniya’y matagal na niyang hinimok na gawing mas transparent.

Dagdag niya, ang mga mambabatas na nagsisingit ng pondo para sa infrastructure projects ay maaaring magkaroon ng “karapatan” na pumili ng kontratista.

“Pag nag-insert ka, parang meron kang claim, meron kang royalty, meron kang right mag-assert — dahil ako ang nag-insert, baka puwedeng ako na ang pumili ng contractor niyan,” paliwanag ni Lacson.

Dahil dito, muling binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng transparency sa budget process, kabilang ang hayagang pagtukoy kung sino ang mga mambabatas na nagmumungkahi ng amendments.

“Madaling maturo kung pumalpak ang implementation—matutukoy natin sino ang congressman o senador na nag-insert o nag-author o nag-propose ng amendments a.k.a. insertion,” aniya.

Gayunpaman, umaasa si Lacson na ngayong mas mataas ang kamalayan ng publiko, mas maraming mag-uulat ng anomalya sa mga awtoridad, gaya ng sa SumbongSaPangulo website.

“Ang dulo nito, sana may managot. Sana may malalaking tao na makasuhan, ma-prosecute, ma-convict, at makulong — para huwag pamarisan. Kasi habang may nakikita ang ating ibang kasamahan na nakakaligtas naman ang naakusahan, pamamarisan,” babala ni Lacson.