Calendar
Tourist bus nag-crash sa NY, may mga Pinoy na biktima
KINUMPIRMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Sabado na may mga Pilipinong casualties sa nag-crash na tourist bus sa New York State highway sa Estados Unidos.
Hindi tinukoy ng tagapagsalita ng DFA na si Angelica Escalona kung ilan ang mga Pilipinong biktima, ngunit binanggit nito na mino-monitor ng Consulate General ng Pilipinas sa New York ang mga kaganapan kaugnay ng insidente.
“The New York State Police have reported that several of the casualties are Filipino nationals,” aniya.
“Our thoughts and prayers go out to those affected by this incident,” pahayag ng DFA.
“Respecting the privacy of the individuals, authorities have not released further information and instead relayed that they will be reaching out to the families of the victims directly,” dagdag pa ng DFA.
Sinabi ng Konsulado ng Pilipinas sa New York na handa itong tumulong sa mga biktima ng aksidente. Maaaring makipag-ugnayan ang mga biktima o kanilang mga kaanak sa Assistance-to-Nationals Hotline (917) 294-0196.
Kinumpirma ng New York State Police na lima ang nasawi sa tour bus na nag-crash bandang alas-12:30 ng hapon ng Biyernes (12:30 a.m. ng Sabado, PH time) sa Interstate 90 sa Pembroke, Genesee County.
Ang bus ay may sakay na 54 pasahero at pabalik mula Niagara Falls sa Canada patungong New York City.
Ang drayber ay “distracted,” batay sa inisyal na imbestigasyon ng New York State Police.
“At this time, we have multiple fatalities, multiple entrapments and multiple injuries,” ayon kay James O’Callaghan, tagapagsalita ng New York State Police.
Aniya, patuloy pa ring tinutukoy ang kabuuang bilang ng mga nasawi at nasugatan.
Sinabi pa niya na nangyari ang aksidente nang mawalan ng kontrol ang drayber ng bus habang ito ay tumatakbo nang “full speed,” at lahat ng pasahero ay pawang nagtamo ng sugat, pasa o galos.
Ayon sa tagapagsalita, matindi ang pagkasira ng bus at maraming pasahero ang na-eject mula sa sasakyan nang mag-crash ito. Gayunpaman, ligtas ang drayber, dagdag niya.
Nagpahayag si New York Governor Kathy Hochul sa X (dating Twitter) na siya ay naabisuhan tungkol sa “tragic tour bus accident,”at nakikipag-ugnayan ang kanyang team sa State Police at mga lokal na opisyal na nagsasagawa ng “rescue and provide assistance to everyone involved.”
Sinabi ng Mercy Flight, isang nonprofit air medical transport service provider, na tatlong helicopter nito ang naghatid ng mga biktima sa mga ospital sa lugar. PNA, Xinhua

