Magsasaka

Pangilinan: Pagbaba ng bilang ng mga magsasaka, banta sa pagkain sa bansa

581 Views

NAUUBOS na ang ating mga magsasaka at ito ay nakababahala.”

Ito ang babala ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan kaugnay ng patuloy na pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong magsasaka, na aniya’y may seryosong implikasyon sa kinabukasan ng suplay ng pagkain ng bansa.

“Nangangalahati na ang bilang ng ating mga magsasaka, at karamihan sa kanila ay nasa edad 56 hanggang 67,” ani Pangilinan. “Kung hindi natin mahikayat ang kabataan, tuluyan nang babagsak ang sektor ng agrikultura.”

Bilang chair ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, ipinaliwanag ni Pangilinan na kahit may buong scholarship program ang pamahalaan—na sumasaklaw sa tuition, aklat, allowance, at tirahan—patuloy pa ring bumababa ang bilang ng mga estudyanteng kumukuha ng kursong may kinalaman sa agrikultura.

“In some areas, there are no takers despite the fact that there are scholarships,” aniya. “Kahit na libre na ang tuition at may mga scholarships pa… very few takers, Mr. President.”

Tinukoy niyang pangunahing dahilan ang mababang kita sa sektor ng pagsasaka, dahilan kung bakit hindi ito kinikilala ng kabataan bilang magandang propesyon.

“Ultimately, I think it’s about income,” iginiit niya. “Why would the youth of today choose agriculture, when you’re essentially asking them to take a vow of poverty?”

Ang pahayag ay bilang tugon sa tanong ni Senador Vicente Sotto III ukol sa napakababang turnout sa mga kursong agrikultura. Ayon kay Pangilinan, ang solusyon ay gawing kapaki-pakinabang at may katiyakang hanapbuhay ang agrikultura.

Iminungkahi niyang palawakin ang pagpapatupad ng Sagip Saka Act—isang batas na kanyang isinulong noong 2019—na nagpapahintulot sa mga ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan na direktang bumili mula sa mga magsasaka at mangingisda, nang hindi na dumaraan sa mahigpit at komplikadong bidding process.

Bilang halimbawa, binanggit niya ang Camarines Sur Multipurpose Cooperative na tumaas ang kita mula ₱7 milyon noong 2019 tungong ₱62 milyon sa 2020 matapos na direktang bumili ng food supply ang 13 LGU mula sa kanila sa gitna ng pandemya.

“If a cooperative can earn tens of millions monthly, that becomes a powerful signal to the youth that agriculture is not just survival—it’s a viable livelihood,” ani Pangilinan.

Dagdag pa niya, dapat gamitin ang paglago ng kita bilang sukatan ng tagumpay sa agrikultura—gaya ng ginagawa ng China, Thailand, at Vietnam. Sa China, binigyang-diin niyang tumaas ang buwanang kita ng mga magsasaka mula 160 yuan noong 1979 patungong mahigit 6,000 yuan sa kasalukuyan.

“You must benchmark incomes as an indicator of a successful intervention in agriculture,” binigyang-diin ni Pangilinan. “Unless farming gives you a return in terms of incomes, why should they go into farming?”