Lacson

Lacson: Pagkadiskubre sa ‘bahanomalya’ Divine Intervention

367 Views

MAY posibilidad umanong may kulay pulitika ang testimonya ng Discaya couple, dahil tila ang mga mambabatas na pumirma sa impeachment ni Vice President Sara Duterte ang nabanggit sa kanilang salaysay.

“Bakit lahat nang pumirma ng impeachment ang parang nabanggit? At parang bakit wala yung before 2022?,” puna ni Lacson.

Ito ang tanong ni Lacson, tagapangulo ng Senate Blue Ribbon Committee, sa forum sa Kapihan sa Senado.

Ayon pa sa senador, dati nang nag-aplay ang mag-asawang Discaya para sa Witness Protection Program pero hindi ito inendorso, dahil luma at hindi pirmado ni dating Senate President Vicente Sotto III ang aplikasyon. Pinalala pa ng kanilang pagbago-bago ng testimonya ang kawalan ng tiwala. “Hindi pwedeng tell half or tell one-fourth… Dapat talaga tell all,” ani Lacson.

Sinabi rin ni Lacson na tila hindi aksidente ang pagkakalantad ng umano’y bilyun-bilyong pisong anomalya sa mga proyektong flood control. Ayon sa kanya, tila may kamay ng mas makapangyarihan na nagtulak upang mabunyag ang mga iregularidad.

“IT’S all Divine intervention. Kumilos na yung nasa itaas. Hindi normal na sunod-sunod ang bagyong nangyari pati habagat kaya’t talagang napansin na nang lahat ang flood control project na ito.”

Ipinaliwanag ni Lacson na hindi raw ito basta pagsasabay ng mga kalamidad, kundi tila pagkilos ng mas mataas na kapangyarihan para matauhan ang taumbayan. Aniya, “Talagang kumilos na ang nasa itaas para mabunyag ito,” sabay giit na masyado nang lantad ang mga iregularidad para ipagwalang-bahala pa.

Hinikayat ng senador ang Office of the Ombudsman, Department of Justice (DOJ), at Anti-Money Laundering Council (AMLC) na agad na kumilos base sa mga ebidensyang naipasa na sa kanyang opisina. Aniya, nakumpleto na ng kanyang team ang lahat ng dokumentong inilahad niya sa privilege speeches at kailangan na lamang ng pormal na cover letter para ito ay opisyal na maisumite. “Gusto ko kung ano ang mga kakalap na ebidensya agad-agad ipadala sa independent commission,” aniya.

Paliwanag pa ni Lacson, sapat na ito upang makapagsimula ng agarang aksyon ang AMLC, partikular sa pag-freeze ng mga account ng mga sangkot. “Kung AMLC, can proceed na mag-freeze na kagad ng mga accounts ng individuals concerned,” aniya. Ipinunto rin niya na kapag ang halagang sangkot ay lagpas ₱8.8 milyon, ito ay itinuturing na non-bailable offense na may parusang reclusion perpetua.

Isiniwalat din ng senador na ₱355 milyon ang ipinasok umano sa flood control projects sa Bulacan — isang pondong wala sa House version ng budget pero lumitaw sa final General Appropriations Act (GAA). Tinukoy ito ng whistleblower na si Brice Hernandez, na ngayon ay nasa kustodiya ng Senado. “Ito talaga ng ₱355M na intended para sa Bulacan… So maliwanag na either sa Senate version or sa BICAM yan na-insert,” saad ni Lacson. Ayon sa kanyang staff, nakita ito sa GAA at natukoy na limang proyekto ang na-award. Gamit ang simpleng process of elimination, sinabi ni Lacson na malinaw kung kailan at saan nangyari ang insertion.

Dagdag pa niya, kahina-hinala ang pagkakahalintulad ng ilan sa mga proyekto sa mga naunang anomalya, kabilang ang paggamit ng duplicate photos upang magmukhang may progreso.

“Subukan nila ang 2 days na makasingil sila ng 46%. Hindi kaya yan physically,” giit niya. Sa Bulacan pa lang, umabot na sa ₱2.195 bilyon ang flood control allocation. Sa buong bansa, tinatayang halos ₱2 trilyon ang nawawalang pondo sa kaparehong klaseng proyekto sa nakalipas na 15 taon.

Tungkol sa kredibilidad ni Hernandez, inilahad ni Lacson na hindi pa siya makapagbigay ng pasya kung maaari itong maging state witness. “Mas importante ang kaharap mo tinatanong mo, more or less mag-engage mo kung binobola ka o hindi. So I cannot at this point in time conclude or even make a judgment kung uubra ba silang state witness,” aniya.

Gayunpaman, ibinunyag din ng senador na may bilyong halaga rin umano ng transaksiyon si Hernandez sa Cash2Chips. “Si Brice Hernandez naman, billion din ang kanyang Cash2Chips. Saan nanggaling yan?” tanong ni Lacson, sabay sabing dapat suriin ito ng AMLC upang matukoy kung may koneksyon sa anomalya.

Bukod kay Hernandez, binanggit din ang Discaya couple, na sinasabing aktibo rin sa casino chip transactions at may mga kahina-hinalang galaw sa bank accounts noong 2015–2016 at muling naging aktibo sa 2025. “Very active ang bank accounts ng Discaya couple simula ng 2015–2016, tapos naging active ulit sobra 2025,” saad ni Lacson. Ipinaalala rin niya na sakop na ng amended Anti-Money Laundering Act (AMLA) ang mga casino, at may ₱5 milyong threshold para sa reportable transactions.

Isiniwalat din ng senador ang posibleng conflict of interest sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kung saan binanggit niya sina Secretary Manuel Bonoan, Undersecretary Bernardo, at ilang tauhan sa mga dokumentong hawak ng kanyang opisina. Tinukoy rin niya si Fatima Gay B. de la Cruz, na may parehong apelyido sa asawa ni Bonoan. “Anak ba talaga ni Secretary Bonoan si Fatima Gay? Baka ka-apelyido?” tanong niya. Pinangalanan din ni Lacson sina Undersecretary Maria Catalina E. Cabral at isang contractor na Globalcrete Builders bilang bahagi ng kanyang imbestigasyon. “Ayoko magsalita nang wala akong basis. Kaya nga bago ko binanggit sina Cabral at Bonoan, dumaan muna sa validation ng mga dokumento,” giit niya.

Isa sa mga problema ayon sa kanya ay ang kawalan ng maayos na dokumentasyon sa mga budget insertion. “Walang record. Ang record lang dito is a piece of paper… minsan doon lang sinusulat. Ang may hawak nito ang chairperson ng finance committee or appropriations committee chairman,” aniya. Kaya’t iminungkahi niyang repormahin ang proseso upang masubaybayan ang mga amendment at maging bukas ito sa publiko.

Nang tanungin kung may posibilidad na madawit ang iba pang mambabatas, mariin ang tugon ni Lacson: “Kung masagasaan, masagasaan. Walang dapat santuhin. Kasi kung meron tayong pagtatakpan, bakit ba tayo nag-iimbestiga?”

Ayon sa kanya, nananatili pa rin ang panganib na makalusot ang mga sangkot dahil sa mabagal na aksyon ng mga ahensya, mahihinang dokumento, at kawalan ng political will. Binalaan din niya ang pamahalaan na baka lalo lamang mabuwisit ang publiko kapag nakakalusot ang mga makapangyarihan. Ikinumpara niya ito sa ibang bansa gaya ng Indonesia kung saan binato ng publiko ang isang cabinet official na nasangkot sa katiwalian, at sa Nepal kung saan binitay ang mga kurap.

Sa pagtatapos, binigyang-diin ni Lacson na ang layunin ng kanilang pagkilos ay hindi lamang pagbubunyag kundi tunay na pananagutan. “Hindi lang sa pagpa-file ng kaso. Pwede magamit all the way sa prosecution hanggang sa conviction,” aniya. Tiwala rin siyang kikilos agad ang AMLC: “Pag-freeze ng accounts sa AMLC. Sa tingin ko mangyayari yan within the day,” pagtatapos ng senador.