BBM1

PBBM sa mga Pinoy: Gawing inpirasyong mga aral sa buhay ni FM Sr.

338 Views

DAPAT nating gawin ang tama, na sa kabila ng mga pagsubok, dapat lagi tayong nasa tamang panig ng kasaysayan.”

Ito ang panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. habang hinihikayat niya ang mga Pilipino na alalahanin at gawing inspirasyon ang mga aral mula sa buhay ng kanyang ama, si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., sa paggunita ng ika-108 kaarawan nito nitong Huwebes.

Ayon kay Pangulong Marcos, isa sa mga pangunahing aral na iniwan ng kanyang ama ay ang “lagi at laging papanig sa pambansang interes, sa kapakanan ng mga Pilipino” sa paglilingkod-bayan.

“Napakarami nating natutunan mula sa kanya: na dapat panatilihin natin ang ating dignidad, at dapat igalang natin ang dignidad ng bawat Pilipino. At hindi lamang igalang – dapat din nating ipaglaban ang dignidad ng bawat Pilipino,” sabi ng Pangulo matapos ang seremonya ng pag-aalay ng bulaklak sa Daytoy ti Bannawag Monument sa Batac City.

“Hindi natin papayagan na may makapangyarihan, o sinumang tao, na alipustahin o maliitin ang kahit sinong Pilipino,” dagdag niya.

Ibinahagi rin ni Pangulong Marcos na tinuruan siya ng kanyang ama ng kahalagahan ng pagtanggap sa mga hamon at pagsubok upang magawa ang tama.

“Madalas niyang sinasabi, ‘Huwag mong piliin ang madali. Huwag kang lalakad sa madali.’ Ibig sabihin, siguraduhin mong ang ginagawa mo ay tama – kahit gaano man ito kahirap… Minsan, ang pinaka-marangal na gawin ay ang pinakamahirap,” ayon sa Pangulo.

Hinimok din niya ang mga Pilipino na ipagpatuloy ang pamana ni Marcos Sr. sa pamamagitan ng pagtupad sa kanilang mga tungkulin bilang mamamayan.

“Kailangan nating ipakita na karapat-dapat tayo sa pamana na iniwan niya. Kailangan nating patunayan na tayo ay karapat-dapat na tagapagmana ng pamana na ‘yan. At kailangan nating sikaping maabot ang mga pamantayang kanyang itinakda para sa atin,” sabi ni Marcos Jr.

“At laging nating tandaan – ang ating ginagawa ay hindi para sa sarili natin. Ang ating ginagawa ay para sa bansa. Ang ating ginagawa ay para sa sambayanang Pilipino.”

Si Ferdinand E. Marcos Sr. ay isinilang noong Setyembre 11, 1917, sa Sarrat, Ilocos Norte kina Mariano Marcos at Josefa Edralin, na parehong mga guro.

Nagsilbi siya bilang Pangulo ng Pilipinas mula 1965 hanggang 1986. Bago ito, naging miyembro siya ng House of Representatives mula 1949 hanggang 1959 at ng Senado mula 1959 hanggang 1965, kung saan siya ay naging Senate President mula 1963 hanggang 1965. PCO