Calendar
Lalaking nabaril daw sa wetpaks nabuhay
HIMALANG nabuhay ang 27-anyos na tricycle driver matapos daw siyang mabaril sa kaliwang bahagi ng puwet sa Pavia corner Madrid Streets, Barangay 121, Tondo, Manila, noong Sabado.
Ayon sa report, bandang alas-4:30 ng umaga nang mangyari ang pamamaril sa biktimang si alyas “Edmond” ng hindi nakilalang suspek.
Sa salaysay ng biktima, nakita niya ang suspek na may baril habang siya ay naglalakad sa lugar.
Lumapit ang biktima at binalaan ang suspek na mag-ingat dahil baka maputukan siya ng baril pero biglang nagpaputok ang suspek sa pader at tumama sa puwet ng biktima.
Matapos ang insidente, tumakas ang suspek patungo sa hindi natukoy na lokasyon dala ang baril.
Ginamot ng doktor ang biktima at ngayo’y inoobserbahan pa.
Ayon sa isang barangay tanod, wala raw ibang lalaki sa lugar maliban sa biktima kaya posibleng aksidente nitong nabaril ang sarili pero itinanggi ng kaanak.

