Calendar
Libong residente nakinabang sa murang bigas ni Nanay Bing
LIBU-libong residente ng Brgy. Bulawen, Palauig, Zambales ang nakinabangsa Rice Subsidy Program ni Zambales Rep. Doris “Nanay Bing” Maniquiz kung saan naibenta ang murang bigas sa P20 kada kilo.
Kinumusta ni Nanay Bing ang mga residente at ipinaliwanag ang layunin ng Rice Subsidy Program na apat na taon na umanong isinasagawa.
Layunin ng programa na mabawasan ang gastusin ng mga pamilya sa pagbili ng pangunahing pagkain habang patuloy na nagbibigay ng suporta sa mga nangangailangang Zambaleño.
Binigyan din ng lady solon ng pagkakataon ang mga kwalipikadong residente na hindi naisama sa naunang listahan ng mga benepisyaryo na makabili ng murang bigas, hangga’t may natitirang suplay ang kanilang team.
Nakinig din si Nanay Bing sa iba’t-ibang suliranin ng mga residente ng Palauig at nagbigay ng mga mungkahi at posibleng hakbang upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Sinabi ni Nanay Bing na bawat barangay na kanilang pinupuntahan at bawat pamilyang kanilang natutulungan ay nagpapatibay sa diwa ng malasakit at bayanihan.
Iginiit din ng kongresista ang kanyang pangakong ipagpapatuloy ang mga programang naglalayong mapabuti ang buhay ng mga mamamayan sa Ikalawang distrito ng Zambales.

