Tauhan ng PCG, BFAR binomba ng tubig habang namamahagi ng food packs

Zaida Delos Reyes Jul 23, 2026
89 Views

BINOMBA ng tubig ng isang Chinese Coast Guard o CCG vessel ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources nitong Huwebes ng umaga sa Bajo de Masinloc.

Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, namamahagi ng fuel subsidy at food packs ang mga sundalo sa mga mangingisda sa lugar nang bombahin ang mga ito ng tubig.

Tumagal ng dalawang minuto ang pagbomba ng tubig at wala namang naiulat na nasaktan o nasugatan.

Nilinaw ni Tarriela na nag-deploy ang PCG BFAR ng mga barko upang suportahan ang “Kadiwa ng Bagong Bayaning Mangingisda” program at maghatid ng tulong sa mga Pilipinong mangingisda sa lugar.

Sa kabila nito, natapos naman ang pamamahagi ng gasolina at food packs sa mga Pilipinong mangingisda sa lugar.

Nagpatuloy rin ang patrol at resupply operations ng BRP Datu Sumakwel.

Kaugnay nito, nagsagawa ng maritime surveillance flight ang isang PCG aircraft sa Bajo de Masinloc at nakatanggap umano ito ng radio challenge mula sa Chinese forces habang nasa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ).