Calendar
PCG-San Francisco todo suporta sa Golden Gate Int’l Festival 2026


ANG Konsulado Heneral ng Pilipinas sa San Francisco kamakailan ay buong-pusong sumuporta sa pagbubukas ng Golden Gate International Festival 2026, kasabay ng pagtatanghal ng Young Voices of the Philippines (YVP) sa Walnut Creek Presbyterian Church sa California.
Dito ginanap ang sing-off concert kung saan nagtipon-tipon ang mga kabataang mang-aawit mula sa iba’t ibang panig ng daigdig upang magbahagi ng musika, magpalitan ng kultura, at magpatibay ng pagkakaibigan.
Ipinamalas ng YVP ang sining musikal ng bansa sa pamamagitan ng pag-awit ng mga katutubong kantang Pilipino sa ilalim ng kumpas ni Dr. Maria Theresa Vizconde-Roldan.
Tampok sa nasabing festival ang mga choir mula sa Austria, Catalonia, Czechia, Estonia, Finland, Georgia, Poland, at Estados Unidos.
Ayon sa Konsulado, ang pakikilahok ng YVP ay patunay ng kahalagahan ng cultural diplomacy sa pagtataguyod ng pandaigdigang pagkakaunawaan at pagpapatibay ng ugnayan ng mga bansa.
Binigyang-diin din ng tanggapan ang patuloy nitong komitment sa pagsuporta sa mga inisyatibong nagtatampok ng galing at kulturang Pilipino sa ibayong-dagat.
Ang Golden Gate Festival, na itinatag noong 1991 at pinangangasiwaan ng Piedmont East Bay Children’s Choir sa San Francisco Bay Area, ay nasa ika-13 edisyon na nito ngayong taon.
