Calendar
Lifestyle check sa opisyal ng gobyerno suportado sa Senado
BUONG suporta ang ipinahayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isailalim sa lifestyle checks ang lahat ng opisyal ng gobyerno, kasabay ng pagtulak sa dalawang mahahalagang panukala kontra korapsyon.
“I fully support the President’s call and initiative,” ani Escudero, at iginiit na ang naturang hakbang ay nakabatay sa Konstitusyon at umiiral na mga batas.
Tinukoy niya ang Article XI, Section 1 ng 1987 Constitution, na nagsasaad na ang serbisyo publiko ay isang tiwala ng bayan at ang mga opisyal ay dapat magpakita ng pananagutan, integridad, at simpleng pamumuhay. Idinagdag din niya ang Section 8 ng Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), na nagpapahintulot sa pagsisiyasat ng hindi maipaliwanag na yaman bilang batayan ng pagtanggal sa puwesto ng isang opisyal.
Binanggit pa ni Escudero ang Section 4(h) ng Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees), na nag-aatas sa mga opisyal at kanilang pamilya na mamuhay nang simple at hindi magpakitang-tao ng karangyaan.
Samantala, kinatigan ni Senator Risa Hontiveros ang panawagan ng Pangulo ngunit iginiit na dapat itong ipatupad sa lahat, anuman ang posisyon.
“Walang dapat sasantuhin. Kung seryoso ang gobyerno sa lifestyle checks, dapat lahat — mula pinakamataas na opisyal hanggang sa pinakababa — dapat saklaw at walang exemption,” aniya.
“Ang lifestyle check ay hindi dapat gamitin bilang sandata laban sa mga kritiko ng administrasyon. Dapat ito ay patas, makatarungan, at may malinaw na batayan.”
Bilang suporta sa kampanya ng administrasyon, isinusulong ni Escudero ang dalawang panukalang batas na kanyang inihain:
Una, ang Senate Bill No. 232, na mag-oobliga sa mga opisyal at kawani ng gobyerno na pumirma ng waiver upang masilip ng mga awtoridad ang kanilang mga bank deposit at investments—isang paraan upang isantabi ang proteksyon mula sa Bank Secrecy Law (RA 1405 at 6426).
Ikalawa, ang Senate Bill No. 783, na naglalayong pagbawalan ang mga kamag-anak ng mga opisyal ng gobyerno—hanggang ikaapat na antas ng pagkakamag-anak—na makipagkontrata sa pamahalaan, upang maiwasan ang conflict of interest at iwasan ang sistemang padrino.
“I hope the President will also support and include as part of his priority legislative agenda the following bills that we filed that complement his initiatives to curb corruption,” giit ni Escudero.

