PBBM

PBBM tinanggap miyembro ng U.S. SASC sa Palasyo

271 Views

TINITINGNAN namin ang Pilipinas hindi lamang bilang mabuting kaibigan kundi bilang isang kapantay at matatag na kaalyado.”

Ito ang binigyang-diin ng isa sa mga pangunahing miyembro ng United States Senate Armed Services Committee (SASC) na tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes sa courtesy call ng grupo sa Malacañan Palace.

Pinangunahan ng chairman ng SASC na si US Senator Roger F. Wicker (Republican mula Mississippi) ang delegasyong bumisita, kasama si Senator Deb Fischer (Republican mula Nebraska). Kasama rin nila si US Ambassador MaryKay Carlson.

Nagpasalamat si Pangulong Marcos sa mga senador ng Estados Unidos na bumisita sa Maynila mula Agosto 27 hanggang 29 upang talakayin kung paano pa higit na mapapalakas ang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at US, at binigyang-diin ang matagal nang relasyon ng dalawang bansa.

“Kami ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng suporta na ibinibigay ng Estados Unidos sa harap ng mga hamon na kinakaharap natin dito sa Pilipinas. Kasama na rito ang patuloy na suporta sa modernisasyon ng ating Sandatahang Lakas bilang bahagi ng ating tugon sa mga hamong ito,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Umaasa kaming mas lalo pa tayong makikipagtulungan sa inyo,” dagdag pa ni Marcos.

Nagpasalamat din si Wicker kay Pangulong Marcos sa pagtanggap sa kanila.

“Pinahahalagahan namin ang suporta ng Pilipinas sa Estados Unidos. Ang ating relasyon ay isa sa pinakamahalaga at masasabi kong isa sa pinakapatuloy na lumalalim pagdating sa ating pagiging malapit,” sabi ni Wicker.

Dagdag naman ni Fischer, “Tinitingnan namin ang Pilipinas hindi lamang bilang mabuting kaibigan kundi bilang isang kapantay at matatag na kaalyado.”

Kabilang sa mga dumalo sa courtesy call kasama ang Pangulo ay sina Executive Secretary Lucas P. Bersamin, Kalihim ng Ugnayang Panlabas Ma. Theresa P. Lazaro, Kalihim ng Tanggulang Pambansa Gilberto Teodoro, Philippine Ambassador sa US Jose Manuel “Babe” Romualdez at National Security Adviser Eduardo Año.

Ang SASC ang nangangasiwa sa pagsusuri ng polisiya ng US defense at sa deliberasyon ng National Defense Authorization Act (NDAA), na nagbibigay ng awtorisasyon sa pondo para sa defense budget ng Estados Unidos.

Ang US ang nag-iisang defense treaty ally ng Pilipinas. Ang kooperasyon sa depensa at seguridad ay nananatiling pangunahing haligi ng bilateral na ugnayan ng Pilipinas at US, na isinasakatuparan sa ilalim ng Mutual Defense Treaty (MDT), Visiting Forces Agreement (VFA), Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at iba pang bilateral na kasunduan.