FL Marcos Si First Lady Liza Marcos ay nakipagpulong sa mga miyembro ng Indian business community at medical professionals sa FL Office sa Manila noong Agosto 26, upang tulungan ang mga kabataang Pilipinong nangangailangan ng liver transplant, sinabi ng Malacañang nitong Biyernes. Source: First Lady Liza Marcos FB page

Unang Ginang tinatrabaho mas magandang access sa healthcare ng kabataan — Palasyo

207 Views

NAKIPAGPULONG si First Lady Liza Araneta-Marcos sa mga pangunahing negosyante at doktor mula sa India upang maghatid ng pag-asa sa mga kabataang Pilipinong nangangailangan ng liver transplant, ayon sa Malacañang nitong Biyernes.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing ng Biyernes na ang pagpupulong ay ginanap sa tanggapan ng Unang Ginang sa Maynila noong Agosto 26, at nakatuon sa layunin ni Marcos na mapabuti ang access ng kabataang Pilipino sa serbisyong pangkalusugan at abot-kayang gamot.

“Sa hangaring mabigyan ng pangalawang pagkakataon sa buhay ang mga kabataang nangangailangan ng liver transplant, nakipagpulong si First Lady Liza Araneta-Marcos sa mga negosyante at top doctors from India,” pahayag ni Castro.

“Ayon sa First Lady, ang pakikinig sa mga hinaing ng taumbayan na napipilitang magpagamot sa ibang bansa na nagbibigay-inspirasyon sa kaniya upang dalhin ang pag-asa dito sa Pilipinas,” dagdag ni Castro.

Aniya, binigyang-diin ng Unang Ginang na ang pagsagip ng buhay, pagpapababa ng presyo ng gamot, at pagtatatag ng mga serbisyong medikal ay pangunahing layunin niya para sa mga batang Pilipinong pasyente na lubhang nangangailangan.

Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa mga business leaders at medical professionals mula India para sa kanilang mahalagang kasanayan.

Ayon kay Castro, positibo si Araneta-Marcos na malapit nang maisakatuparan ang kanyang bisyon para sa kalusugan ng kabataang Pilipino.

Ang pagpupulong ay kasunod ng kanyang pagbisita sa India kasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Agosto.