Calendar
Pangilinan nais palakihin crop insurance para sa mga magsasaka
NANANAWAGAN si Senator Francis “Kiko” Pangilinan na dagdagan pa ang pondong inilaan ng pamahalaan para sa crop insurance, dahil aniya’y hindi sapat ang kasalukuyang badyet ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) upang maprotektahan ang lahat ng magsasaka laban sa pinsalang dulot ng matinding kalamidad at epekto ng climate change.
Tinukoy ni Pangilinan na kasalukuyan lamang na natutulungan ng insurance ang halos walong milyong magsasaka, samantalang umaabot sa tinatayang labing-isang milyon ang kabuuang bilang sa bansa.
“Mahalaga na mabigyan ng dagdag suporta. Ma-insure ang kanilang mga gulay para kapag tinamaan ng frost o nasira dahil sa bagyo o kalamidad, may mabilis na tulong at maibalik man lang ang kalahati ng kanilang puhunan,” wika niya. “Kahit kalahati, makabawi at makapagsimulang muli.”
Bilang pinuno ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, iginiit ni Pangilinan na bibigyan niya ng pangunahing atensyon ang pagpapalawak ng crop insurance sa susunod na tatlong taon. “Napakahalaga ng crop insurance. Dapat talaga itong ipaglaban. Kung hindi man 50%, dapat madoble ang pondong ilalaan sa insurance,” diin niya.
Ipinahayag niya ito sa isang pagtitipon sa Benguet Provincial Engineering Office, kung saan iniabot ng PCIC ang ₱1.95 milyon na insurance claims sa mga benepisyaryo. Ayon sa Department of Agriculture, umabot sa ₱57 bilyon ang kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura noong 2024 dahil sa El Niño, peste, sakit, aktibidad ng bulkan at mga bagyo.
Sa Hulyo lamang, pumalo na sa ₱1.12 bilyon ang pinsala sanhi ng mga bagyong Crising, Dante, Emong, at ng habagat.
Dagdag pa rito, iminungkahi ni Pangilinan na, tulad sa ibang bansa, magkaroon din ng health at accident insurance ang mga Pilipinong magsasaka at mangingisda upang masiguro ang kanilang proteksiyon at kapakanan.

