Calendar
Palasyo dineklarang non-working holidays sa 3 lalawigan
NAGLABAS ng tatlong magkakahiwalay na proklamasyon ang Malacañang na nagtatakda ng mga special non-working day sa tatlong lalawigan upang bigyang-daan ang pagdiriwang ng mga lokal na selebrasyon.
Sa ilalim ng Proclamation No. 1001, idineklara ang August 28 bilang special non-working day sa San Agustin, Romblon bilang bahagi ng selebrasyon ng Kalipayan Festival.
Samantala, sa Proclamation No. 1002, idineklara ang August 29 bilang special non-working day sa Isulan, Sultan Kudarat bilang paggunita sa ika-68 Founding Anniversary at ika-12 Hamungaya Festival ng bayan.
Ayon sa proklamasyon, “Upang mabigyang-daan ang mga mamamayan ng Bayan ng Isulan na ganap na makalahok sa okasyon, hiniling ng Sangguniang Bayan ng Isulan na ideklara ang ika-29 ng Agosto, Biyernes, bilang special non-working day kapalit ng ika-30 ng Agosto 2025.”
Sa pamamagitan naman ng Proclamation No. 1003, idineklara ang September 18 bilang special non-working day sa Tacurong City, Sultan Kudarat para sa pagdiriwang ng ika-25 Cityhood Anniversary at Talakudong Festival 2025.
Lahat ng proklamasyon ay nilagdaan ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin noong August 27. PCO

