Cayetano

Susunod na Ombudsman dapat taglay 3 pangunahing katangian — Sen. Alan

239 Views

BINIGYANG-DIIN ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Huwebes ang kahalagahan ng pagpili sa susunod na Ombudsman na may tatlong pangunahing katangian: integridad, talino, at malawak na pananaw.

Sa kanyang pahayag matapos ang mga panayam noong Agosto 28 para sa unang batch ng mga aplikante—bahagi ng patuloy na proseso ng pagpili na magtatapos sa Setyembre 2—ipinahayag ni Cayetano na kailangang taglayin ng susunod na Ombudsman ang mga kakayahang ito upang epektibong mamuno sa laban kontra katiwalian.

“Y’ung integrity kasi, kahit anong talino mo, kung corrupt ka o hindi ka mapagkakatiwalaan, bale-wala,” ani Cayetano. “Ngayon, kung may integrity at honest ka, pero mas matalino sa ’yo lahat ng corrupt, wala rin mangyayari.”

Bilang kinatawan ng Senado sa Judicial and Bar Council (JBC) at tagapangulo ng Senate Committee on Justice and Human Rights, ipinasinungalingan ni Cayetano na sapat lamang ang pagiging matalino o tapat. Aniya, kinakailangan ding may malalim na pag-unawa ang susunod na Ombudsman sa mga ugat at posibleng kahihinatnan ng mga isyung kinahaharap ng gobyerno.

“Y’ung insight, katulad nitong nangyari dito sa DPWH, medyo it’s the best-kept secret in the sense na ngayon lang pumutok. But it’s not a secret anymore,” aniya, tumutukoy sa lumalawak na isyu sa Department of Public Works and Highways. Idinetalye niya na mahalaga para sa isang Ombudsman ang kakayahang makita ang mga problemang unti-unting lumilitaw bago pa ito lumaki.

Ipinabatid din ni Cayetano na dapat ay kabisado ng susunod na Ombudsman ang galaw ng makabagong teknolohiya at mabilis na pagkalat ng impormasyon. “Iba na y’ung age ngayon na instant ang news… Some of you, naka-post o naka-live na agad. So, kailangan up-to-date y’ung bagong Ombudsman sa mga bagong sistema na ganyan.”

Iginiit pa niya na ang naturang posisyon ay hindi gantimpala kundi isang responsibilidad upang maresolba ang mga kinakaharap na suliranin ng bansa. “It’s not a reward. It’s a tool for you to get something done. And, usually, that something is a problem that you can solve.”

Sa gitna ng matagal nang isyu ng katiwalian, kabagalan ng serbisyo, at palakasan sa gobyerno, binigyang-linaw ni Cayetano ang kahalagahan ng masusing pagsusuri sa mga kandidato. “Napakahalaga na tama ang mapili nating Ombudsman. Given y’ung nangyayari ngayon sa DPWH, given y’ung perennial na nangyayari sa iba’t ibang departamento, having a very proactive but balanced Ombudsman will really change so much.”