Rape Kinilala ni Negros Island Region Director PBrig. Gen. Arnold Thomas Ibay ang suspek na 63-anyos na lolo na may kasong 17 counts ng statutory rape at 23 counts ng acts of lasciviousness matapos matimbog sa Sagay City, Negros Occidental.

Lolo inaresto sa 17 bilang ng gahasa

Jon-jon Reyes Dec 3, 2025
204 Views

INARESTO ng mga operatiba ng Valladolid Municipal Police Station (MPS) ng Negros Occidental ang 63-anyos na lolo na may kasong 17 bilang ng statutory rape at 23 bilang ng kalaswaan nang maispatan sa Barangay Makiling, Sagay City, Negros Occidental, gabi ng Martes.

Nakilala ang akuasado na si alyas “Marlon” na binata at residente ng Purok Sun Flower, Brgy. Lacaron, Valladolid, Negros Occidental, pero pansamantalang naninirahan sa Purok Pagla-um, Brgy. Makiling, Sagay City.

Ayon sa report na nakarating kay Negros Island Region Director PBrig. Gen. Arnold Thomas Ibay, bandang 6:19 ng gabi nang magsagawa ng manhunt operation ang tracker team ng Valladolid MPS sa pangunguna ni PMaj. Karena T. Onio, chief of police ng nasabing lugar, laban sa most wanted person (MWP).

Nagresulta ito sa pagkakaaresto sa suspek. Bitbit ng mga operatiba ang arrest warrant na inisyu ni Presiding Judge Liewellyn Fiel Bonghanoy ng Family Court, Sixth Judicial Region Branch 9, Bago City, Negros Occidental, na may petsang Oktubre 17, 2025, at walang inirekomendang piyansa.

Pinuri ni Ibay ang kanyang mga kapulisan matapos ang mapayapang pag-aresto sa suspek na kabilang sa talaan ng No. 1 MWP regional level.

Nasa kustodiya ng Valladolid MPS ang suspek para sa tamang disposisyon. Isang alternative recording device ang ginamit sa nasabing operasyon ng pulisya.