Calendar
Screenshot ng file CCTV video
Bahay ng contractor sa Porac nilooban, ninakawan ng P14M
PORAC, Pampanga ― Iniimbestigahan ng pulisya ang umano’y insidente ng panghoholdap na may pananakot sa isang bahay dito na nagresulta sa pagkawala ng P14 milyon.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., sinabi ng pulisya sa Pampanga na isang concerned citizen ang tumawag sa Porac Police Station upang iulat na tatlong hindi pa nakikilalang lalaki ang pumasok sa bahay ng biktima sa Barangay Sta. Cruz, Porac, Pampanga.
Sa kuwento sa mga rumespondeng pulis, ang tatlong suspek ― isang nakasuot ng itim na long-sleeves at pantalon, at dalawa pang nakasuot ng asul na long-sleeves at pantalon ― ay malayang nakapasok sa bahay at habang nakatutok ang mga baril, itinulak sa loob ng comfort room ang biktima at ang tatlong kasamahan nito sa bahay, kabilang ang dalawang bata.
Makalipas ang ilang minuto, tumakas ang mga suspek sakay ng dalawang scooter-type na motorsiklo.
Pagkatapos suriin ang bahay, nadiskubre ng biktima na sapilitang binuksan ang drawer ng built-in cabinet sa master bedroom sa unang palapag, at nawawala ang tinatayang P14,000,000 cash na umano’y pagmamay-ari ng isang project manager ng construction firm na nakatira rin sa naturang bahay.
Naglunsad ng follow-up investigation ang Porac police upang matukoy ang mga suspek at mabawi ang nakaw na pera.
Hinimok naman ng pulisya ang sinumang may impormasyon tungkol sa mga suspek o sa insidente na agad makipag-ugnayan sa mga awtoridad.

