Calendar
Lolo nasawi sa ‘misteryosong’ chest injury sa Mabalacat City
MABALACAT CITY, Pampanga ― Isang 66-anyos na lalaki ang nasawi matapos magtamo ng hindi pa maipaliwanag na pinsala sa dibdib sa Barangay San Francisco dito noong bisperas ng Pasko, na nagbunsod sa pulisya na magsagawa ng masusing imbestigasyon.
Sa ulat na ipinarating kay Police Regional Office 3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., kinilala ni Pampanga Police Director Col. Eugene M. Marcelo ang nasawi na si alyas “Lapaz,” residente ng Brgy. San Francisco sa Mabalacat City.
Ayon sa paunang ulat, sinabi ng dalawang saksi na nasa loob sila ng kanilang bahay nang marinig nilang nagrereklamo ang biktima at nagtatanong kung may bumato umano sa kanya.
Ilang sandali pa, nakita umano ng mga saksi na umaagos ang dugo mula sa dibdib ng lalaki bago ito tuluyang mawalan ng malay.
Agad na isinugod ng mga kaanak ang biktima sa Tiglao Hospital, kung saan idineklara siyang patay na ng mga doktor.
Lumabas din sa imbestigasyon na bago ang insidente, ang biktima ay nakaupo sa harap ng kanilang bahay.
Dagdag pa ng mga saksi, wala silang narinig na putok ng baril o anumang malakas na ingay sa lugar sa oras ng pangyayari.
Pansamantalang ikinlasipika ang kaso bilang reckless imprudence resulting in homicide, habang hinihintay ang karagdagang resulta ng imbestigasyon.
Humingi na ng tulong ang pulisya ng Pampanga sa Scene of the Crime Operation ng Angeles City Forensic Unit upang magsagawa ng teknikal at forensic na pagsusuri.
Ayon sa mga awtoridad, patuloy ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay at ang mga pangyayari sa likod ng insidente.
