Porn Source: PNP-ACG

Quezon cybersex den ni-raid ng PNP-ACG; 4 na biktima nasagip, 2 suspek huli

Alfred Dalizon Dec 27, 2025
580 Views

NABUWAG ang isang lihim na cybersex den sa Calauag, Quezon, matapos ang raid na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang human traffickers at pagsagip sa apat na biktima na binabayaran para mag-perform ng sexual acts sa harap ng webcams, sinabi ni Brigadier Gen. Wilson P. Asueta, Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) director, nitong Sabado.

Ayon sa opisyal, isinagawa ng mga miyembro ng Quezon Provincial Cyber Response Team (PCRT) ang operasyon batay sa warrant to search, seize and examine computer data (WSSECD) sa bayan ng Calauag noong nakaraang Sabado, at naaresto ang dalawang suspek na nakilala lamang sa alyas na “Mommy,” 33-anyos, at “Daddy,” 28-anyos.

Inilarawan ang dalawa bilang “handlers and managers” ng cybersex den na matatagpuan sa dalawang-palapag na bahay sa Calauag, kung saan ang mga biktima ay ibinubugaw sa pamamagitan ng online platforms.

Sinabi ni Asueta na nagsimula ang operasyon mula sa isang ulat na kanilang natanggap hinggil sa umano’y ilegal na pagre-recruit at pag-exploit sa mga indibidwal.

Matapos matanggap ang ulat, agad na nagsagawa ng intelligence validation ang Quezon PCRT na nagkumpirma na ang mga suspek ay aktibong sangkot sa trafficking in persons sa pamamagitan ng pagre-recruit ng mga indibidwal upang magsagawa ng live online sexual activities kapalit ng kita.

“These findings supported the application for WSSECD, which was subsequently granted by the court and immediately implemented,” sinabi ng opisyal.

Sa aktwal na operasyon, isa sa mga nasagip na biktima ay nahuling nagsasagawa ng live online performance sa harap ng isang computer, na pinapanood ng mga subscriber sa pamamagitan ng pornographic websites, ayon sa direktor ng PNP-ACG.

Nakumpiska ang iba’t ibang computer equipment, communication devices, internet accessories at mga sex-related paraphernalia na ginagamit sa cybersex live streaming, dagdag niya.

Isinagawa rin ang on-site digital forensic examination ng digital forensic examiners ng Quezon PCRT na nagpakita ng positibong resulta, kabilang ang presensya ng mga hayag na larawan at video ng mga nasagip na performer, pati na rin ang digital communications kaugnay sa cybersex operation.

“These prima facie pieces of evidence further substantiated the arrest of the suspects for trafficking in persons committed through cyberspace,” ani Asueta.

Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, na inamyendahan ng RA 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012, at RA 11862 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022, kaugnay ng Section 6 ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Sinabi ni Asueta na ang operasyon ay alinsunod sa direktiba ni Police Lieutenant Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., acting chief ng PNP, upang matiyak na ang mga batas laban sa cybercrime ay ganap na naipatutupad at ang mga lumalabag ay agad na naparurusahan.

Pinuri rin niya ang mga operatiba ng Quezon ACG sa pagkakaaresto ng mga suspek at pagsagip sa mga biktima.

“We urge the public to report any information on, or cases involving, online abuse or human trafficking to the nearest ACG office to ensure swift and decisive action,” aniya.