DOTr

Lopez sinibak SAICT personnel na nanapak ng driver ng kolorum na van

Jun I Legaspi Jul 17, 2026
108 Views

PINASIBAK sa pwesto ni Transportation Secretary Giovanni Lopez noong July 15 ang isang tauhan ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) na nanuntok ng driver ng hinuling kolorum na van.

Ito’y alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking hindi mang-aabuso ng kapangyarihan ang mga kawani ng pamahalaan.

“Mali ‘yung driver ng van, pero hindi ‘yan sapat na dahilan para manuntok ‘yung SAICT officer.

Pinatanggal ko na siya agad sa pwesto, dahil walang puwang ang paggamit ng dahas sa pagpapatupad ng batas. Hindi natin ito-tolerate ‘yan,” giit ni Secretary Lopez.

Sa report ng SAICT, nagsasagawa ng anti-colorum operation ang kanilang team noong Miyerkules sa Calaca, Batangas kung saan pinahinto nila ang van na may sakay na 15 pasahero.

Pero sa halip na huminto ay nakipaghabulan pa ang van at ilang beses nasagi ang sasakyan ng SAICT bago ito nahuli sa San Nicolas.

Sa mga lumabas na video sa social media, nakitang sinuntok ng isang SAICT officer ang driver ng colorum van matapos mahuli.

Pina-impound na sa Land Transportation Office (LTO) ang nahuling van, at nakapagsampa na rin ng mga kaso laban sa driver nito.

“Nadiskubre natin na ‘yung van ay expired na ang rehistro, tapos nag-ooperate pa as PUV kahit wala namang prangkisa.

Nakipaghabulan pa sa SAICT habang sakay ‘yung mga pasahero, napakadelikado niyan. Hindi tayo titigil sa panghuhuli ng mga kolorum na nilalagay sa alanganin ‘yung kaligtasan ng mga pasahero,” ayon kay Lopez.