Calendar
PH consulate sa NY nagdaos ng Paaralan sa Konsulado

NEW YORK–Pinasinayaan ng Konsulado ng Pilipinas sa New York ang ika-28 edisyon ng “Paaralan sa Konsulado” (PSK) sa Philippine Center.
Layon ng programa na pag-alabin ang nasyonalismo sa kulturang Pilipino ng may 17 kabataang Pilipino-Amerikano na may edad na 4-17 taong gulang.
Sinabi nina Konsul Anna Guerra at Rena Pedaria, Pangulo ng Association of Filipino Teachers in America (AFTA), na ang pangkulturang edukasyon ang magsisilbing pundasyon ng susunod na henerasyon ng mga Fil-Am sa Estados Unidos.
Ipinakilala ni Dara Valconcha ang mga gurong boluntaryong gagabay sa mga mag-aaral.
Ang violinist na si Ruth Tumpalan ay nagbahagi ng karanasan at namangha ang mga kabataan sa kanyang pagtatanghal.
Naging katuwang ng konsulado sa programang ito ang mga gurong boluntaryo mula sa AFTA at ang Order of the Knights of Rizal Long Island Chapter na nagbahagi ng espesyal na module ukol kay Rizal.
Inaasahang magpapatuloy ang PSK sa Hulyo 18, 25, at Agosto 1 kung saan tatalakayin ang iba pang mga bayani at kuwentong pambata.
Tampok din sa mga susunod na linggo ang mga matagumpay na Fil-Am sa larangan ng teknolohiya, pananalapi at pagluluto upang magsilbing inspirasyon para sa mga kabataan.

