Calendar
LTFRB na-isyu ng SCO sa bus company dahil unit nag-counterflow
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na mahigpit na ipatupad ang mga batas at alituntunin sa kaligtasan sa kalsada, naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ng show cause order (SCO) laban sa isang bus company kaugnay ng viral na counterflow video sa Quezon City.
Pinuri rin ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II ang mga netizen na agad na nag-tag sa ahensya matapos mapanood ang video ng bus na pumasok sa kabilang linya upang mag-overtake kahit may kasalubong na sasakyan.
“Malaking tulong ang agarang pag-abiso ng mga netizen sa amin tungkol sa insidenteng ito. Kaagad kaming kumilos at naglabas ng show cause order laban sa bus company matapos naming mapanood ang video,” ani Chairman Mendoza.
Sa viral video, makikita ang isang pampasaherong bus na bumibiyahe sa rutang Sapang Palay-NIA na pumasok sa kabilang linya upang mag-overtake sa gitna ng trapiko. Kalaunan ay bumalik ito sa tamang linya at narinig pang nakikipagtalo ang driver sa driver ng pribadong sasakyan na nakasalubong nito.
Sa ipinadalang SCO sa San Jose Del Monte Transport Corp., inatasan ang kumpanya na magsumite ng notaryadong paliwanag kung bakit hindi ito dapat patawan ng parusa, gayundin ng kanilang driver training program at mga dokumentong magpapatunay ng pagsunod sa extraordinary diligence. Itinakda ang pagdinig sa Hulyo 9.
“Hindi ito simpleng paglabag sa batas-trapiko. Sa LTFRB, itinuturing naming seryoso ang anumang paglabag ng mga driver ng pampublikong sasakyan sa mga patakaran sa kaligtasan sa kalsada dahil buhay at kaligtasan ng mga pasahero ang nakataya,” ani Chairman Mendoza.
“Ang bawat paglabag ay paglabag din sa tiwalang ipinagkaloob ng pamahalaan, sa pamamagitan ng LTFRB, sa mga binigyan ng pribilehiyong mag-operate ng pampublikong sasakyan. Seryoso tayo sa pagpapatupad ng road safety at magsilbi sana itong mahigpit na babala sa lahat ng operator at driver ng PUV na sumunod sa batas at maging responsable sa kalsada,” dagdag niya.
Mahigit 700 transport companies na ang nabigyan ng show cause orders habang patuloy na pinaiigting ng LTFRB ang pagpapatupad ng mga patakaran hindi lamang para sa kaligtasan sa kalsada kundi maging para sa mas maayos at komportableng biyahe ng milyun-milyong pasahero sa buong bansa.
