Memorandum

LTFRB sa PUV drivers: Iwasan gumawa ng content, mag-vlog habang nagda-drive

Jun I Legaspi Jul 4, 2026
60 Views

NANAWAGAN ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, sa mga driver ng public utility vehicles (PUVs) na iwasan ang pagva-vlog at paggawa ng social media content habang nagmamaneho.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, ang naturang gawain ay paglabag sa Republic Act No. 10913 o Anti-Distracted Driving Act, na naglalayong maprotektahan ang publiko laban sa mga aksidente sa kalsada na dulot ng distracted driving.

“Nanawagan kami sa mga operator at driver na sundin ang batas na ito hindi lamang para sa kaligtasan ng kanilang mga pasahero kundi maging ng lahat ng gumagamit ng ating mga kalsada,” ani Chairman Vigor.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na mahigpit na ipatupad ang mga batas at regulasyon sa road safety.

Bilang pagpapatibay sa pagpapatupad ng Anti-Distracted Driving Act, naghanda ang LTFRB ng memorandum circular na mag-uutos sa mga PUV operator na tiyaking mahigpit itong sinusunod ng kanilang mga driver.

Ito ay matapos mapansin ng social media team ng LTFRB ang pagdami ng mga PUV driver na gumagawa ng vlog at iba pang social media content habang nagmamaneho.

“Isaisip natin ang kaligtasan ng ating mga pasahero at ng lahat ng gumagamit ng kalsada. Alam nating lahat na kahit ilang segundong pagkaabala lamang ay maaaring magdulot ng malagim na aksidente,” ani Chairman Vigor.

Aniya, labag din ito sa pangunahing kondisyon ng bawat Certificate of Public Convenience (CPC), na inuuna ang kaligtasan at kapakanan ng publiko.

Hinimok din ni Chairman Vigor ang mga PUV operator na paalalahanan ang kanilang mga driver tungkol sa umiiral na batas at iba pang regulasyon sa road safety.

Sa oras na maipatupad ang memorandum circular, papatawan ng ₱5,000 na multa ang sinumang PUV driver na mahuhuling lumalabag. Isinasapinal na ng LTFRB ang memorandum circular at ipaaalam ang implementasyon nito matapos makumpleto ang lahat ng kinakailangang proseso.

“Nakikiusap ako sa ating mga PUV operator at driver na igalang ang batas at ang mga umiiral na alituntunin sa kaligtasan sa kalsada. Magtulungan tayong tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga driver, pasahero, at ng lahat ng gumagamit ng ating mga kalsada,” pagtatapos ni Chairman Vigor.