Calendar
P90B remittances ng DOTr attached agencies sa pamahalaan
UMABOT na sa halos P90 bilyon ang remittances ng mga attached agencies sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) sa pamahalaan sa nakalipas na 10 taon.
Ang mga kontribusyong ito ay nagsilbing malaking ambag sa pambansang pondo para sa imprastruktura, serbisyong panlipunan, at seguridad na direktang nakikinabang ang sambayanang Pilipino.
Binanggit ni kalihim ng Transportasyon na si Banoy Lopez na ang patuloy na pagtaas ng kontribusyon ay bunga ng mahusay na operasyon at matatag na performance ng bawat ahensya.
“Mas pagsisikapan pa ng Department of Transportation at mga ahensya sa ilalim nito ang pagseserbisyo para sa mga kababayan natin at sa ikauunlad at kinabukasan ng ating bansa,” ani Lopez.
Mga ahensya ng DOTr: Philippine Ports Authority (PPA) – P41.51 bilyon; Manila International Airport Authority (MIAA) – P25.43 bilyon; Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) – P14.87 bilyon; Cebu Port Authority (CPA) – P4.16 bilyon; Clark International Airport Corporation (CIAC) – P2 bilyon; Mactan-Cebu International Airport Authority (MCIAA) – P1.51 bilyon
Dagdag pa ni Lopez, ang mga remittances na ito ay mahalagang pampasigla sa mga programang panlipunan, pang-imprastruktura, at pang-ekonomiya ng pamahalaan.
“Mandato natin ito para sa ating mga kababayan. Sa bawat kontribusyon natin, sila ang higit na makikinabang sa mga proyekto at programang isusulong ng pamahalaan mula sa remittances na ito,” dagdag ng Kalihim.
