Rider

LTO ipinatawag rider na may 2 angkas

Jun I Legaspi Sep 29, 2025
367 Views

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na ipatupad ang mga batas sa kaligtasan sa kalsada, ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang may-ari ng motorsiklo na viral ngayon sa social media na may dalawang backride at menor-de-edad pa ang isa.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ikinadismaya niya ang iresponsableng gawain ng ilan na naglalagay sa panganib ng mga kasama sa biyahe, lalo na kung bata.

“Habang bumabaybay ang motorsiklo sa mataong kalsada, bagama’t may helmet ang drayber at isa pang back rider, walang helmet o anumang protective gear ang batang nakaupo sa gitna,” ani Asec. Mendoza.

“Alinsunod sa due process, ipinatawag na namin ang may-ari ng motorsiklo upang ipaliwanag kung siya nga ba ang nagmamaneho nito, at kung siya nga iyon, kinakailangan din niyang magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat maparusahan,” dagdag pa niya.

Nahaharap ang drayber sa kasong administratibo dahil sa carrying more passengers other than the back rider, failure to require the back rider to wear a standard protective helmet at pagiging improper person to operate a motor vehicle.

Inatasan ang rehistradong may-ari na humarap sa LTO Central Office sa Oktubre 2 na may dalang nakasulat at notarized na paliwanag.

“Bilang pansamantalang aksyon, isinailalim sa alarm ang Honda Click (430-UTN) habang iniimbestigahan ang kaso dahil sa bigat ng mga paglabag,” ayon sa show cause order ng LTO.

Kapag natukoy na ang tunay na drayber, ipatutupad ang 90-day preventive suspension sa kanyang lisensya sa pagmamaneho.