Student

‘MAGPAPASABOG AKO SA SCHOOL SA SAN FELIPE BUKAS, INGAT’

Steve A. Gosuico Jul 30, 2026
109 Views

Student1Student2LLANERA, Nueva Ecija – Kalaboso ang isang 18-anyos ng estudyanteng lalaki matapos siyang matunton ng kapulisan at hulihin dahil umano sa pagkakalat sa social media ng banta na pasasabugin niya ang isang eskwelahan na matatagpuan sa Bgy. San Felipe sa bayang ito.

“Hi magpapasabog po ako sa school ng san felipe bukas ingat,” saad sa kanyang Facebook post nitong Linggo ng nahuling estudyante.

Dahil sa nasabing post sa FB, nabulabog ang mga mag-aaral at opisyal ng nasabing paaralan nitong araw ng Lunes dahil sa takot at pangamba.

Agad namang rumesponde ang Nueva Ecija Provincial Explosives and Canine Unit (PECU) upang magsagawa ng clearing operations at napatunayan na ang nasabing banta ng pagpapasabog ay isang “bomb joke” ng nasabing estudyante.

Ayon kay police head Captain Edmer Y. Portillo, natunton at inaresto ang suspect na estudyante at nahaharap siya ngayon sa kasong kriminal na isinampa sa Office of the Provincial Prosecutor dahil sa paglabag sa Cyber-Crime Prevention Act of 2012 (Republic Act 10175) at Anti-Bomb Joke Law (Presidential Decree 1727).