Ulan File photo ni JONJON C. REYES

Malakas na ulan nagdala ng baha sa Luzon, Mindanao

559 Views

PINALUBOG ng baha ang ilang lugar sa Luzon at Mindanao dahil sa malakas na ulan simula nitong Martes ng gabi.

Sa Metro Manila, labis na naapektuhan ng malakas na ulan ang lungsod ng Las Pinas makaraang umapaw ang River drive.

Makikita sa video ang buwis-buhay na pagsagip ng mga awtoridad sa batang na-trap sa Sampaguita Dulo, upper Laong, barangay Almanza Uno sa kalagitnaan ng gabi.

Isang bata rin ang natagpuang walang malay sa riverside sa Barangay Talon 3 sa nasabing lungsod na agad namang dinala sa pagamutan.

Nasa 100 residente rin ang pinagtulungan ilikas ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection o BFP at Special rescue force para ihatid sa mga nakatalagang evacuation centers kung saan ang ilan ay pansamantalang nanatili sa mga modular tents na matatagpuan sa covered court.

Gumamit ang rescuers ng inflatable raft para sagipin ang mga residenteng nakulong sa baha.

Bukod sa Las Pinas, binaha din ang Maysilo Circle, Barangay Plainview, Mandaluyong City gayundin ang Caruncho Avenue sa Pasig City.

Dahil sa baha, sumikip ang daloy ng trapiko at maraming commuters ang na-stranded sa South Luzon Expressway kung karamihan sa mga pasahero ay nagdesisyong maglakad na lamang .

Sa Cavite, umabot sa hanggang baywang ang baha sa Bacoor dahilan upang gumamit ng sandbags ang mga residente para iharang sa labas ng kanilang bahay para maiwasan ang pagpasok ng baha sa kanilang bahay.

Sa Mindanao, pinayuhan ang mga residente sa bayan ng Makilala na mag-ingat sa posibleng flashflood at landslide dahil sa nararanasang malakas na agos ng tubig na may kasamang putik mula sa mga kabundukan.

Nakaranas din ng baha sa bayan ng Mlang, kung saan ilang kabahayan ang naapektuhan at ilang bahagi ng mga daan ang hindi madaanan.

Sa Zamboanga City, isang bata ang nasugatan sa pagbagsak ng punongkahoy sa isang bahay at computer shop.

Patuloy na pinaaalalahanan ng mga lokal na pamahalaan ang publiko na mag-ingat at makinig sa mga babala ng mga otoridad upang maiwasan ang anumang sakuna.