Martinez Martinez: Bida sa Phuket. Photo courtesy of Thailand Baskeyball League.

Martinez, Waves nagbida muli sa TBL

Robert Andaya Jul 25, 2023
203 Views

BAGAMAT dumaan sa butas ng karayom, namayani pa din ang Phuket Waves sa Thailand Basketball League (TBL).

Sa patnubay ni playing coach James Martinez, nakalusot ang Phuket Waves sa isang matinding pagsubok at naitala ang 96-93 panalo laban sa Ban Bueng Devil Rays sa Multi-Purpose Building ng Office of The Permanent Secretary for Defence.

Nagpakitang gilas si Martinez sa kanyang double-double na 18 points at 14 assists upang tulungan ang Waves na masungkit ang ikatlo nitong sunod na panalo at ika-pito overall sa siyam na laro.

Si Martinez, na naging malaking bahagi din ng kanilang panalo kontra Pathum Thani Pythons and Khon Kaen Kings MFT Fruitmaster, ay nagdagdag din ng eight rebounds at tatlong steals.

Nakatuwang ni Martinez sa panalo ng Waves sina Morakinyo Michael William, na may 30 points at 14 rebounds; Raymond Edward Miller, na may 22 points at 22 rebounds; at Hernal Esconio, na may 16 points at 12 rebounds.

Nanguna naman para sa Ban Bueng Devil Rays sina Toby Thai Sathitsumpan, na may 34 points, Ali Tew na may 20 points at 20 rebounds, at Ervin Lorenzo, na may 17 points, 12 rebounds, at seven assists.