Calendar
Mga paaralan sa Zamboanga patuloy na binabantayan
NANATILING mahigpit ang seguridad ng mga paaralan sa Zamboanga City kasunod ng pamamaril sa loob ng isang eskwelahan doon noong Biyernes.
Ayon kay Police Lt. Col. Paul Andrew Cortes, deputy director for operations ng Zamboanga City Police Office, nakatutok sila sa pagbabantay sa mga paaralan para masigurong ligtas ang mga estudiyante ang gurong pumapasok.
Umapela ang opisyal sa mga magulang ng mga estudyante na laging bantayan at alalayan ang kilos ng kanilang mga anak at kung maaari ay tingnan ang kanilang mga gamit bago pumasok sa eskwelahan.
Inatasan na rin ang kanilang mga tauhan na maging responsable sa kanilang mga service firearms.
Sa ngayon, nasa 18 simulation o active shooters na ang naisagawa sa iba’t-ibang paaralan sa lungsod.
Nilinaw na rin ng mga awtoridad na tatlo lamang ang nasawi sa pamamaril sa Banga National High School taliwas sa naunang impormasyon na anim.
Ang unang impormasyon na anim ang nasawi at 17 ang nasugatan ay unang iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kasagsagan ng imbestigasyon sa mismong araw ng krimen.
Gayunman, matapos ang ginawang beripikasyon at validation ay itinama ng ahensya ang bilang at ginawang 3 ang patay kasama ang shooter at anim naman ang nasugatan.
Lalaki din ang shooter at hindi babae.
Kabilang sa mga nasawi ang dalawang 14-anyos na estudyante at ang Grade 9 student na itinuturong gunman.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente, kabilang ang kung paano nakuha ng menor-de-edad ang 9mm na baril na sinasabing pag-aari ng kanyang ama.
Sinusuri rin ng PNP at DICT ang isang online community na sinasabing sinalihan ng estudyante upang matukoy kung may koneksyon ito sa pamamaril.
Binigyang-diin ng mga awtoridad na wala pang pinal na konklusyon tungkol dito.
Samantala, nagpapatuloy ang pagbibigay ng medical at psychosocial assistance sa mga biktima at kanilang pamilya.
