Minimum wage hiniling na ibatay sa ‘living wage’

161 Views

DAPAT gamitin ng regional wage boards ang “living wage” bilang mahalagang batayan sa pagtatakda ng minimum na sahod habang pinananatili ang regional wage-setting system, ayon kay Sen. Joel Villanueva.

Iniharap ni Villanueva ang panukala sa Senate Committee on Finance hearing sa panukalang 2027 national budget, kung saan nilinaw niyang hindi niya isinusulong ang iisang minimum wage para sa buong bansa.

Sa halip, sinabi niyang nais niyang magtakda ng living wage standards na maaaring gamitin ng regional tripartite wage and productivity boards sa pagtukoy ng minimum pay sa kani-kanilang lugar.

“Importante na magkaisa po tayo sa direksyon ng pag-uusap tungkol sa living wage, dahil nakasaad ito sa ating saligang batas,” ani Villanueva.

Nakasaad sa Article XIII, Section 3 ng 1987 Constitution na may karapatan ang mga manggagawa sa security of tenure, makataong kondisyon sa trabaho at living wage.

Hindi naman nagtatakda ang naturang probisyon ng partikular na halaga ng living wage o tiyak na mekanismo para sa pagkukuwenta nito.

Naghain si Villanueva ng Senate Bill No. 44, na ayon sa kanyang panukala ay magtatakda ng standards para sa living wage at iuugnay ang mga ito sa regional wage-setting system.

Sa pangkalahatan, ang living wage ay tumutukoy sa sahod na sapat para sa disenteng pamumuhay ng manggagawa at kanyang pamilya, bagaman maaaring mag-iba ang eksaktong pamantayan depende sa ginagamit na methodology at lokasyon.

Sa budget hearing, sinabi ni Department of Economy, Planning, and Development Secretary Arsenio Balisacan na dapat manatili sa regional wage boards ang pagtatakda ng minimum wage dahil magkakaiba ang economic conditions sa bawat rehiyon.

Sinabi rin ni Balisacan na hindi niya pinapaboran ang isang pare-parehong minimum wage para sa buong bansa.

Ayon sa kanya, kabilang sa mga dapat isaalang-alang sa wage setting ang inflation, employment, productivity, job quality at epekto sa mga negosyo at investment.

Nilinaw naman ni Villanueva na sa ilalim ng kanyang panukala ay mananatili ang regional wage boards at maaaring magkakaiba pa rin ang wage rates sa bawat rehiyon.

Ang nais niya, aniya, ay gawing mas malinaw na bahagi ng wage-setting process ang living wage.

Binanggit din ni Villanueva ang agwat ng sahod sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan tulad ng Bulacan.

“Kesa magtrabaho dito, tatawid ka na lang ng kalye papuntang NCR,” ani Villanueva.

Ayon sa senador, maaaring maging dahilan ang mas mataas na NCR wage rates upang piliin ng ilang manggagawa sa karatig-lalawigan na magtrabaho sa Metro Manila.

Lumutang ang usapin habang nananatiling nakabinbin ang pagpapatupad ng ₱85 minimum wage increase sa Metro Manila sa ilalim ng NCR Wage Order No. 27.

Sa ilalim ng wage order, ang increase ay nakatakdang ipatupad sa dalawang tranche.

Para sa non-agriculture workers, ang dating ₱695 daily minimum wage ay nakatakdang tumaas sa ₱755 sa unang tranche at sa ₱780 simula Enero 20, 2027.

Para sa agriculture workers at ilang maliliit na retail, service at manufacturing establishments, ang dating ₱658 rate ay nakatakdang tumaas sa ₱718 at kalaunan sa ₱743.

Hinarang ng Pasig Regional Trial Court Branch 152 ang pagpapatupad matapos itong maglabas muna ng temporary restraining order at kalaunan ng writ of preliminary injunction.

Noong Agosto 17, naghain ang Department of Labor and Employment ng motion for reconsideration na humihiling na alisin ang preliminary injunction.

Noong Agosto 28, inatasan naman ng Supreme Court ang mga respondent na magsumite ng komento sa loob ng 10 araw kaugnay ng petisyon ng mga labor group na kumukuwestiyon sa mga lower-court order na humarang sa wage increase.

Kinuwestiyon ni Villanueva ang court intervention at binanggit ang Article 126 ng Labor Code.

“Ang tagal ko na pong naging chair ng Senate Committee on Labor, pero ngayon ko lang nakita na verbatim na sinuway ng korte iyong eksaktong nakalagay sa ating Labor Code,” ani Villanueva.

Nakasaad sa Article 126 na hindi maaaring maglabas ang mga korte, tribunal o ibang entity ng preliminary o permanent injunction o temporary restraining order laban sa proceedings sa National Wages and Productivity Commission o regional wage boards.

Gayunman, kung saklaw ng naturang probisyon ang pagpapatupad ng isang final wage order ay kabilang sa mga legal na isyung pinagtatalunan sa kasalukuyang usapin.

May inihain ding panukala sa Senado na naglalayong palawakin ang Article 126 upang tahasang masaklaw ang issuance, publication, implementation, enforcement at effectivity ng wage orders.

Noong Agosto 4, lumagda rin ang mga senador sa Senate Resolution No. 577 na nagpahayag ng suporta sa agarang pag-alis ng restraining order laban sa NCR Wage Order No. 27.

Iniugnay din ni Villanueva ang wage discussion sa Trabaho Para sa Bayan Act at tinanong ang DEPDev kung paano nakapaloob sa panukalang 2027 budget ang mga hakbang kaugnay ng labor demand, labor supply at labor market governance.

Ang labor demand ay tumutukoy sa pangangailangan ng mga employer sa manggagawa, habang labor supply ang bilang at kakayahan ng mga taong maaaring magtrabaho. Ang labor market governance naman ay tumutukoy sa mga patakaran at institusyong namamahala sa trabaho, sahod at kondisyon sa paggawa.