Edzel Nag-bida si Edzel Mag-isa para sa Quezon City.

MPBL: Quezon City angat sa Imus

Robert Andaya Apr 16, 2024
107 Views

BAHAGYA lamang pinagpawisan ang Quezon City TODA Aksyon bago padapain ang Imus Agimat, 91-70, sa MPBL (Maharlika Pilipinas Basketball League) Season 6 sa Ynares Center sa Antipolo City.

Nanguna sina homegrown star Kenji Roman (17 points, 3 rebounds at 3 assists,) at Edsel Mag-isa (11 points, 7 rebounds at 3 blocks) para sa Quezon City, na lumamang pa ng 56-27 bago itala ang ika-dalawang dikit na panalo sa 30-team tournament.

Nakatulong nila sina Chino Mosqueda, na isa ding homegrown player, at Jonas Tibayan, na kapwa may 11 points; at Rhinwill Yambing na may 10 points, 3 rebounds at 2 blocks para kay Quezon City coach Egay Macaraya.

Unang tinalo ng Quezon City ang Muntinlupa, 81-74, nung April 10.

Ang iba pang may 2-0 records gaya ng Quezon City ay ang Bataan, Abra, Zamboanga, Batangas, Negros at Parañaque.

Ang Imus, na lumasap ng kanilang ika dalawang sunod na talo, ay nakakuha ng 20 points, 7 rebounds at 3 steals mula John Rey Sumido, 12 points mula kay Christian John Luengo, at 11 points plus 14 rebounds mula kay Kenneth Estabillo.

Dadayo ang MPBL sa Cuneta Astrodome sa Pasay, na kung saan maghaharap ang Bicol at Negros simula 4 p.m., Mindoro at Zamboanga sa 6 p.m., at Abra at Pasay sa 8 p.m.