Calendar
Nawawalang policewoman, natagpuang patay sa Bulacan
PATAY na nang matagpuan sa Bulacan ang policewoman na iniulat na nawawala may isang linggo na ang nakalipas habang patuloy pang hinahanap ang 8-taong gulang na anak nito .
Batay sa ulat ng PNP, nadiskubre ang katawan ng biktimang nakatalaga sa Regional Personnel and Records Management Division ng National Capital Region Police Office (NCRPO) dakong 3:30 ng hapon nitong Sabado sa isang creek na matatagpuan sa Pulilan–Baliuag Bypass Road sa Barangay Dulong Malabon, Pulilan, Bulacan.
Nadiskubre ang bangkay dahil sa masangsang na amoy sa lugar.
Nasa state of decomposition na ang bangkay nang matagpuan na nakabalot sa isang tela at nakasilid sa isang itim na garbage bag.
Positibong kinilala ang bangkay ng kanyang asawa at kapatid sa pamamagitan ng kanyang mga tattoo sa katawan at suot na damit.
Pinangunahan ng Taguig City Police ang imbestigasyon matapos na iulat ng asawa ng biktima ang kanyang pagkawala noong January 19, 2026.
Ayon sa ulat, huling nakitang buhay ang biktima noong January 16 nang magpa-alam ito sa kanyang pamilya na magtutungo sa Novaliches, Quezon City kasama ang kanyang anak na lalaki.
Agad na nakipag-ugnayan ang Taguig Police sa Quezon City Police District , CIDG at iba pang major crime unit gayundin sa Anti-Kidnapping Group para matukoy ang kinaroroonan ng mag-ina.
Sa ngayon hawak ng PNP ang asawa ng biktima na nagsisilbing person of interest sa kaso .
Bumuo narin ang Southern Police District ng Special Investigation Task Group (SITG) para sa malalimang imbestigasyon sa kaso.

