Howard Howard: Lalaro sa Strong Group Philippines.

NBA champ Howard padating

Robert Andaya Jan 5, 2024
77 Views

UNA si Nick Young.

Sumunod sina Shabazz Muhammad at Renaldo Balkman.

Ngayon naman, ang eight-time NBA All-Star at three-time Defensive Player of the Year na si Dwight Howard ay napiling lumaro para sa Strong Group Philippines sa 2024 Dubai International Tournament, na nakatakda sa Jan.19-28.

Unang naiulat ang nasabing paglalaro ni Howard para sa Philippine-based team ni Shams Charania ng The Athletic and Stadium.

Sinabi ni Charania na umaasa pa si Howard na muling makababalik sa NBA kung kaya mas pinili nito ang short-term contract lamang.

Si Howard, na nanalo ng NBA title kasama ng Los Angeles Lakers nung 2020, ay inaasahang darating sa susunod na Linggo para sa ensayo kasama si Andray Blatche, na naglaro bilang naturalized player para sa Gilas Pilipinas.

Ang dating Orlando Magic superstar ay huling naglaro para sa Lakers sa kabuuang 60 games nung 2021-2022, na kung saan nagtala siya ng averages n 6.2 points at 5.9 rebounds para sa 16.2 minutes na paglalaro.

Matapos dito, dinala ni Howard ang kanyang galing sa Asian basketball matapos maglaro para sa Taoyuan Leopards sa Taiwan’s T1 League.

Sa Leopards, pasiklab si Howard da kanyang 23.2 points, 16.2 rebounds, 5.0 assists, at 1.2 blocks.

Target din ng Strong Group na kunin ang dating Oklahoma City Thunder defensive specialist Andre Roberson para makasama ni Howard.