Tulfo Pinabulaan ni NBI Director Melvin Matibag (pang-apat mula sa kaliwa) ang mga affidavit ng 18 Marines sa consultative meeting ng Blue Ribbon Committee nitong Hunyo 8, 2026 na pinangungunahan ni Sen. Erwin Tulfo (nakaupo) at iba pang miyembro ng mayorya ng Senado. Kuha ni JOSEPH MUEGO

NBI: Affidavit ng ‘ex-Marines’ di sapat para kasuhan mga idinawit

54 Views

SINABI ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga senador nitong Lunes na hindi sapat ang joint affidavit ng 18 umano’y ex-bodyguards sa flood-control probe para magsampa ng kasong kriminal sa mga idinawit dahil karamihan sa kanilang pahayag ay hearsay, walang corroboration at hindi batay sa direktang personal na kaalaman.

Inilahad ni NBI Director Melvin Matibag ang assessment sa Senate Blue Ribbon consultative meeting na pinamunuan ni Senador Erwin Tulfo, kung saan sinuri ng mga senador ang bigat ng ebidensiya sa mga pahayag ng grupo kaugnay ng umano’y cash deliveries sa flood-control projects.

“Hindi napatunayan ang mga alegasyon base sa ebidensyang iniharap. Walang sapat na personal knowledge, puro hearsay, walang corroboration at coordinated ang narrative,” sinabi ni Matibag sa panel.

Ayon kay Matibag, hindi maaaring gamiting sapat na batayan ang joint affidavit upang makabuo ng probable cause. Binigyang-diin niya na ang bawat alegasyon ay kailangang suportado ng independent, competent at authenticated evidence.

Sinabi ni Matibag na nasa 10 hanggang 20 porsiyento lamang ng mga pahayag ang tila nakabatay sa personal knowledge. May ilang testigo aniya na hindi mismo nakakita ng cash delivery o ng aktuwal na laman ng mga maletang tinukoy sa kanilang salaysay.

“Karamihan sa pahayag ay hearsay at 10-20% lamang ang base sa personal knowledge,” sinabi niya.

Sinabi rin ni Matibag na walang isinumiteng dokumento, material evidence o physical evidence ang grupo upang suportahan ang kanilang mga alegasyon.

“Walang dokumento… Walang corroborative evidence,” dagdag niya.

Ipinaliwanag din ng NBI official na kailangang suriin ang paggamit ng label na “ex-Marine” dahil maaari itong ginamit upang magbigay ng kredibilidad sa grupo. Ayon sa kanya, lumabas sa pagsusuri ng NBI na may ilang miyembro ng grupo na hindi Marines o hindi honorably discharged.

Sinabi pa ni Matibag na may mga indikasyon ng koordinasyon sa mga pahayag, kabilang ang group discussions, common housing at counsel-assembled content.

“Ang collective execution ay hindi nag-convert ng hearsay sa personal knowledge,” sinabi niya.

Sinabi naman ni Senador Erwin Tulfo na nasa gusali ng Senado ang 18 umano’y ex-bodyguards at iniulat na nasa tanggapan ni Senador Robinhood Padilla kasama ang kanilang abogado, ngunit hindi sila humarap sa meeting sa kabila ng imbitasyon.

“Yung 18 ex-bodyguards na narito po sa building na ito, nasa tanggapan ni Sen. Robin Padilla kasama si Atty. Baligod,” sinabi ni Tulfo.

Nilinaw naman ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na consultative meeting pa lamang ang isinagawa at hindi pormal na hearing dahil hindi pa ganap na constituted ang komite.

“Ito ay hindi hearing at ito ay committee meeting, consultative meeting… hindi pa constituted ang committee,” paliwanag ni Pangilinan.

Iginiit ni Senadora Risa Hontiveros na ebidensiya ang dapat mangibabaw sa imbestigasyon.

“Sa kahit anong investigasyon, dapat ebidensya ang mangibabaw, hindi kwento lang,” sinabi ni Hontiveros.

Sinabi niya na nasayang ang pagkakataon upang malaman ang katotohanan nang hindi humarap ang 18 sa meeting.

Samantala, iniulat ng Department of Justice na hanggang Hunyo 5, 2026, may 14 na kaso nang nai-endorso sa DOJ para sa preliminary investigation. Sa bilang na ito, 13 ang naresolba na at nai-endorso sa Office of the Ombudsman para sa pag-apruba, habang ang ilan ay naisampa na sa kaukulang korte.

Iniulat din ng DOJ na may 20 Bureau of Internal Revenue cases na naisampa sa kagawaran mula 2025 hanggang 2026. Pito rito ang naisampa na sa korte, 12 ang na-dismiss at isa ang submitted for resolution.

Ayon pa sa DOJ, pitong personalidad ang nasa ilalim ng Witness Protection Program at P841,381,500 na recovered public funds ang na-turn over na sa Land Bank.

Sinabi ni Matibag na nananatiling bukas ang imbestigasyon sa flood-control issue sa kabila ng assessment ng NBI na mahina ang ebidensiyang nakapaloob sa affidavit ng 18.